Nanawagan ang mga lider-estudyante ng University of the Philippines (UP) at ng UP Mindanao na palayasin sa kampus nito sa Barangay Mintal, Davao City ang kampo militar ng 11th Regional Community Defense Group (RCDG). Kaugnay nito, nagsampa ng resolusyon sa House of Representatives an mga kinatawaan ng Kabataan Party-list at ACT Teachers Party-list, kasama sina Heroine Fernandez, dating tagapangulo ng UP Mindanao University Student Council (USC), si UP Student Regent Dexter Clemente at Francesca Duran, dating rehente ng mag-aaral, noong Agosto 11 para himukin ang mga kongresista na suportahan ang kanilang panawagan.
Bahagi ng resolusyon ang panawagan sa awtoridad na itigil ang militarisasyon sa mga espasyo para sa pag-aaral tulad ng kampus sa UP Mindanao. Ang inihaing resolusyon ng Makabayan Bloc ay ibinatay sa inilabas na resolusyon ng konseho ng mag-aaral ng UP Mindanao noong Hulyo.
Ayon sa Himati, ang upisyal na publikasyon ng mga mag-aaral ng UP Mindanao, nakapagtala ito ng 19 na aktibidad militar sa loob ng kampus mula 2019 hanggang Hulyo 2025. Kabilang sa mga ito ang pagpapalipad ng drone sa kampus habang naglulunsad ng pagpupulong ang mga lider-estudyante.
Sa isa pang insidente noon namang Oktubre 2024, naglunsad ng pagsasanay militar ang mga naka-unipormeng mga sundalo sa cultural complex ng kampus. Tinawag ng mga sundalo na ‘katuwaan lamang’ ang insidente.
Nakapagtala rin ang pahayagan ng hindi bababa sa limang kaso ng Red-tagging sa mga estudyante at lider-estudyante ng kampus, at pagpasok ng mga unipormadong tauhan sa kampus nang walang abiso sa konseho ng mag-aaral. Ang mga insidenteng ito ay labag sa una nang kasunduan sa pagitan ng mga upisyal ng administrasyon ng unibersidad at ng UP Mindanao USC.
Dagdag rito, naitala noong 2019 ang pagpapaskil sa labas ng kampus ng mga litrato at pangalan ng mga lider-estudyante na malisyosong idinadawit sa mga rebolusyonaryong grupo.
“Ang presensya ng militar sa mga institusyon sa edukasyon ay bahagi ng malawak na padron ng estado upang supilin ang paglaban, kritikal na pag-iisip, at pag-oorganisa ng mga progresibong organisasyon sa hanay ng mga kabataan at akademiko,” nakasaad sa isinumiteng resolusyon sa kongreso.
“May tungkulin ang estado, ayon sa konstitusyon, na protektahan at itaguyod ang akademikong kalayaan at tiyakin na ang mga pasilidad sa pag-aaral ay malaya mula sa panghihimasok ng militar,” ayon pa sa resolusyon.











