Pagkumpiska sa pondo ng grupo ng kababaihang magsasaka, kinundena

Mariing kinundena ng Amihan National Federation of Peasant Women ang walang basehan at di makatwirang desisyon ng Manila RTC Branch 18 noong Agosto 6 na kumpiskahin ng gubyerno ang dalawang akawnt sa bangko ng organisasyon.

“Malinaw na bahagi ito (ang utos) ng nagpapatuloy na panggigipit at red-tagging sa ilalim ng rehimeng Marcos upang supilin ang paglaban ng mga organisasyon. Hindi lamang ito atake sa aming organisasyon, kundi atake sa lahat ng maralitang kababaihang magsasaka at komunidad na aming pinaglilingkuran,” pahayag ni Zenaida Soriano, pambansang tagapangulo ng Amihan.

Ang utos ng korte ay mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) batay sa kasong Terrorism Financing and Prevention and Suppression Act na isinampa laban sa organisasyon noong Mayo 2021. Malisyosong inaakusahan ng estado ang grupo na nagbibigay ng pondo sa armadong kilusan.

Binatikos din ng Amihan ang desisyon ng AMLC na anito’y naka-angkla sa walang batayan na testimonya ng dalawang nagpapakilalang “dating rebelde”.

“Ang halos ₱200,000 na pondo sa aming akawnt ay para sa aming livelihood program at adbokasiya. Nagmula ito sa mga donasyon mula sa aming mga kaibigan at sumusuporta sa amin at naniniwala sa adbokasiya at programa na aming binibigay,” paliwanag ni Soriano.

Ayon sa grupo, insulto ang ganitong hatol at nagpapakita ng kawalan ng hustisya sa gitna ng kawalang pananagutan ni Sara Duterte sa winaldas nito na ₱612 milyong pondo ng taumbayan.

Kinundena rin ng mga grupong Rural Women’s Advocates (RUWA), Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Sama-Samang Artista para sa Kilusang Agraryo (SAKA), at Asian Peasant Coalition (APC) ang desisyon ng korte.

“Habang ang nakaraan at kasalukuyang rehimen ay pinababayaan, ginigipit, at inaapi ang mahihirap na kababaihang magsasaka at komunidad, walang pagod na nanganampanya ang Amihan para sa karapatan sa lupa, pagkain, kabuhayan at hustisya. Dahil dito, naging target ang grupo ng walang-awat na red-tagging at panggigipit ng NTF-Elcac,” pahayag ng RUWA.

Nanawagan ang mga grupo ng magsasaka sa lahat ng organisasyon, alyado, at mamamayan na tumindig at makiisa sa paglaban sa tiranikong pang-aabuso sa kapangyarihan ng rehimeng US-Marcos at ipaglaban ang demokratikong karapatan ng sambayanang Pilpino.

Source link