Kinundena ng mga residente ng barangay Buneg, Pacoc-Talampak at Guinguinabang na mula sa bayan ng Lacub, Abra, ang muling pagbigay ng Mines and Geosciences Bureau ng permit sa Golden Lake Mineral Resources Inc., nang walang pag-abiso o konsultasyon sa komunidad. Palalawigin nito ang permit ng kumpanya hanggang Agosto 2026.
Noong Marso 26, naghain ng resolusyon sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang tatlong barangay upang ipaabot ang kanilang pagtutol sa pag-renew sa permit ng naturang kumpanya.
“Nalamaman lang namin na merong permit noong Agosto 22, 2025, nang sinubukan ng mga tauhan ng Golden Lake na pumasok sa aming teritoryo…Ang paggawad ng permit ay labag sa aming karapatan na mapaabutan ng mga kaukulang ahensya at upisina ng gobyerno, at ng kumpanya,” nakasaad sa resolusyon.
Ayon sa mga residente, hindi dapat awtomatik na ibinibigay ang permit, kailangan parin ng konsultasyon at kilalanin ang kanilang karapatan sa kanilang lupaing ninuno. Dagdag dito, ayon sa Sangguniang Bayan Resolution no. 24-2025, pinagbabawalan ang malaking pagmimina sa kanilang komunidad. Gayundin ang posisyon ng isang hiwalay na resolusyon mula sa munisipyo na pinirmahan ng komunidad ng mga katutubo.
Bagamat hindi pa nagsisimula ang eksplorasyon, maagang naghain ng dokumento ng pagtutol ang mga komunidad. Mula 2011, ay tinututulan na ng mamamayan ng Lacub ang pagpasok ng Golden Lake.
Matagal nang target ng lokal at dayuhang kumpanya sa pagmimina at kumpanya sa enerhiya ang Lacub. Inaaral naman ng Yamanh Mineral Corporation ang prubinsya para sa eksplorasyon at kasalukuyang nasa proseso sa Free, Prior at Informed Consent sa aplikasyon nito.











