Ang Bayan Ngayon » Militanteng paglaban ng mga magsasaka sa dayuhang kumpanya sa kawayan sa Lanao del Sur, kahanga-hanga—PKM

Binati ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM)-Lanao del Sur ang matapang na pagkilos ng masang magsasaka at katutubo sa Amai Manabilang Lanao del Sur laban sa pang-aagaw ng lupa ng pekeng maka-kalikasan na kumpanyang EcoPlanet Bamboo na suportado ng naghaharing dinastiyang Manabilang at rehimeng US-Marcos.

“Binabati namin ang determinasyon para ipagtanggol ang inyong karapatan sa lupa at katiyakan para bungkalin ito,” ayon sa rebolusyonaryong organisasyon ng mga magsasaka. Matatag na tumindig ang mga magsasaka sa kanilang mga lupa. Nitong huli, palihim nilang pinagbubunot ang mga punla ng kawayan na itinanim ng kumpanya sa kanilang mga sakahan.

Mula 2022, inako na ng EcoPlanet Bamboo, isang Amerikanong kumpanya, ang mga lupang mga magsasakang Moro, Lumad at setler sa pitong sityo sa anim na baryo sa Amai Manabilang. Nagtanim dito ang kumpanya ng kawayan, sa kabila ng pagtutol ng mga magsasaka.

Ang lupang ito ay saklaw ng 18,000 na inangkin ng Southern Philippines Development Authority o SPDA. Ang SPDA ay isang korporasyon ng gubyerno na direktang nakapailalim sa upisina ng presidente. Kasabwat ang dinastiyang Manabilang, pinalalayas ngayon ng mga pwersang militar ng rehimen ang libu-libong matagal nang naninirahan dito para ipagamit ang lupa sa dayuhang mga kumpanya.

Noong Mayo, sinimulan ng kumpanya ang pagtatanim ng kawayan kahit sa mga lupang sakahan. Para hawanin ang lugar ng paglaban, naghasik ng terorismo ang mga sundalo ng 1st ID sa mga komunidad.

“Sa halip na matakot, ipinakita ninyo ang paglaban. Lumaganap ang lihim na kilusan para bunutin ang mga kawayan na itinanim sa mga sakahan…dahil dito, nakapananatili ang inyong kabuhayan,” pahayag ng PKM.

Nagpakita rin ito ng tapang ng mga magsasaka para harapin ang panggigipit ng militar at ng dinastiyang Manabilang.

Gayunpaman, hindi dapat dito nagtatapos ang laban, ayon sa grupo.

“Dapat maintindihan naitn na ang pangunahing kaaway nating mga magsasaka ang reakyunaryong gubyerno ni Marcos na nagbigay ng kapangyarihan sa SPDA para mang-agaw ng lupa,” anito. Dapat ding maunawaan na ang lantarang brutalidadng pamilyang Manabilang nagmumula sa kanilang paghahari sa lokal na gubyerno.

“Kaya ang matagalang problemang ito ay kailangang matagalan rin ang ating pakikibaka hanggang mapuksa ang gubyernong nagtatanggol sa malalaking panginoong maylupa at dayuhang agri-korporasyon at ipatupad ang tunay na reporma sa lupa.

Nanawagan ang PKM na pahigpitin pa ang pagkakaisa ng mga magsasaka at abutin pa ang lahat ng mga baryo at sityo na apektado ng mga anti-mamamayan at at maka-dayuhang mga proyekto ng SPDA at ng gubyernong Marcos. Kasama rito ang mga magsasakang apektado ng pang-aagaw ng lupa ang Kennemer Foods, Inc, Asia-Pacific Precision Agriculture, SUMIFRU, MKAVI at iba pa.

Nanawagan rin ang PKM sa mga magsasaka sa Amai Manabilang na makipagkaisa sa mga magsasakang inaagawan ng lupa sa loob ng inangkin na 42,000-ektaryang Camp Kibaritan military reservation ng Armed Forces of the Philippines, na ngayon ay ginagamit na rin bilang training ground ng mga dayuhang tropa.

Panawagan din ng PKM ang pagsapi ng mga magsasaka sa Bagong Hukbong Bayan para palakasin ang pagtatanggol sa lupa laban sa mga mang-aagaw dito na mga burukrata, dayuhang korporasyon at panginoong maylupa.

Source link