Ang Bayan Ngayon » Mga tropa ng AFP, peste sa masa sa Sultan Kudarat

Sa nakaraang mga buwan, ininda ng mga katutubong Dulangan Manobo, Moro, at setler na namumuhay sa malawak na Daguma Range ang mga operasyong militar ng mga yunit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nagdadala ng ligalig at maraming paglabag sa karapatang-tao sa kanilang mga komunidad.

Sa kasalukuyan, nakakampo sa mga bahagi ng Barangay Hinalaan, Barangay Datu Wasay, at Barangay Sangay, lahat ng munisipyo ng Kalamansig, Sultan Kudarat ang mga tropa ng 37th IB, 57th IB, at 40th IB. Matapos isagawa ang operasyong kombat na laking-brigada noong Mayo, inokupa nila ang mga komunidad sa tabing ng community support program operation (CSPO).

Habang nakakampo, pinagbabawalan ng mga sundalo ang mga residente na pumunta sa gubat para tingnan ang kanilang mga patibong (trap sa baboy-ramo at usa) na alternatibo nilang pangkabuhayan. Idinidikta rin nila ang oras ng pagpunta ng mga magsasaka sa mga sakahan. Ayon sa mga residente, pinapalala nito ang dinaranas nilang kahirapan at sinisira ang kanilang sistema ng pamumuhay.

Nagpatawag din ang mga sundalo ng mga “pulong-pulong” para takutin ang mga residente laban sa “pagtulong” sa mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Dito, pinagbantaan nila ang mga residente at sinabihang kapag tinulungan nila ang BHB sa pagbili ng suplay, pagkuha ng pera, paghatid at pagsundo sa mga Pulang mandirigma ay makukulong sila ng 12 taon. Apektado ang kabuhayan ng maliliit na tindahan dahil hindi na sila namimili ng maibebenta sa takot na maakusahang tumutulong sa BHB.

Kinausap din ng mga sundalo ang pamilya ng pinagdududahan nilang mga pultaym na Pulang mandirigma at pinagbabantaang ipakukulong nang dalawang taon. Ito ay para ipresyur ang kanilang mga kaanak na mandirigma na lumitaw at “sumuko.”

Ang presensya at aktibidad ng AFP sa mga komunidad na ito ay labag sa karapatang-tao at sa internasyunal na mga tuntunin ng digma, na nagbabawal sa intimidasyon, pamimilit at pananakot sa mga sibilyan sa gitna ng umiiral na digmaan.

Source link