Ang Bayan Ngayon » Mga tagapagtanggol ng katutubo, kinasuhan ang mga upisyal ng PNP

Nagprotesta ang mga grupong Sandugo at Katribu sa harap ng Office of the Ombudsman sa Quezon City noong Nobyembre 14. Layon nilang magbigay ng suporta kina Julieta Gomez at Niezel Velasco, parehong dating detenido, at manawagan ng hustisya para sa lahat ng biktima ng pampulitikang panlulupig.

Sina Gomez at Velasco ay dating bilanggong pulitikal at tagapagtanggol ng karapatan ng mga katutubo na iligal na inaresto ng mga militar at pulis noong Hulyo 16, 2021. Nabasura ang kaso noong Abril 8 dahil sa kawalan ng ebidensya.

Kasabay ang protesta sa paghain nina Gomez at Velasco sa Ombudsman ng “position paper” o dokumentong naglalaman ng kanilang sagot sa mga ikinaso sa kanila ng mga pulis. Nauna na silang nagsampa sa korte ng kontra-demanda laban sa mga upisyal ng PNP na responsible sa kanilang iligal na pagka-aresto at pagkakulong.

Anila, ang pagpapanagot sa mga upisyal ay bahagi ng kanilang paninindigan para sa hustisya at pananagutan. “Sa pagsasampa namin ng mga kasong ito, inirerehistro namin na dapat managot ang estado, kasama ang mga ahente at institusyo nito, na lumabag sa aming karapatan,” paliwanag ni Velasco.

Ayon sa mga grupo, ang patuloy na pagtanggi ng rehimeng US-Marcos na parusahan ang mga kurap at abusadong mga upisyal ay lalo lamang nagpapalala ng ng kawalan ng pananagutan sa bansa.

“Dapat singilin at panagutin si Marcos Jr bilang naghahari-harian sa sistemang ginagawang kriminal ang aktibismo habang pinoprotektahan ang mga tiwali,” pahayag ng mga grupo.

Source link