Isang buwan bago ang nakatakdang dambuhalang protestang bayan kontra korasyon sa Nobyembre 30 ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK), sinimulan na ng mga alyadong organisasyon nito ang mga protesta at aktibidad ng paghahanda para rito. Inilunsad noong Oktubre 30 at 31 ang mga piket, Black Friday Protest, martsa, mga party at pagtitipon, at iba pang tipo ng malikhaing protesta sa Metro Manila at ilang prubinsya.
Nagmartsa ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) at mga organisasyon sa ilalim nito patungo sa Mendiola sa Maynila noong Oktubre 31. Sa temang “halloween” ay malikhaing ipinakita ng Bayan ang pagtutol nito sa katiwalian ng rehimeng Marcos at panawagang panagutin ang mga punong tiwali.
Ayon sa grupo, ang Malacañang ay isang “horror house” dahil sa mga “ghost projects” at iba pang anomalya na patuloy na nagpapabigat sa pasanin ng taumbayan. Ang Malacañang rin ang nasa likod ngayon ng usad-pagong at urong-sulong na “imbestigasyon” ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na tinawag ng Bayan na isang “cover-up.”
Naging tampok sa programa ang tinawag na “ghostbusting” o ang paglilista sa mga proyektong pinondohan ng gubyerno ngunit hindi nakumpleto o gawa-gawa lamang. Nagbihis rin ang ilan sa mga nagprotesta bilang mga “halimaw” na kumakatawan sa rehimeng Marcos.
Inilunsad rin sa araw na iyon ng Concerned Artists of the Philippines ang #StopKorap Halloween Party na may temang “Ghost Projects: The Exorcism!” Dumalo sa pagtitipon sa Quezon City ang mga banda, artista, at iba pang grupo para magtanghal at magpahayag ng suporta sa laban ng mamamayang Pilipino laban sa katiwalian.
Muli ring naglunsad ng Black Friday Protest ang mga lokal na organisasyon sa Caloocan City at Pasay City. Katulad na protesta rin ang isinagawa ng mga progresibong grupo at residente sa San Pablo City, Laguna.
Sa Cagayan de Oro City, pinangunahan ng mga taong simbahan ng Promotion of Church People’s Response-Northern Mindanao ang Black Friday Protest. Bago nito, naglunsad ng mobile photo booth ang Kabataan Party-list-Cagayan de Oro City noong Oktubre 28-29 para hikayatin ang mga estudyante ng Xavier University na manindigan laban sa korapsyon.
Noong Oktubre 30, naglunsad ng protesta ang mga manggagawang pangkalusugan mula sa Alliance of Health Workers sa Quezon City para kundenahin ang korapsyon, at manawagan ng dagdag sweldo, pagbabayad sa mga benepisyo at karagdagang tauhan sa mga ospital ng gubyerno. Ayon sa AHW, ang mga isyung iyon ang nakatatakot na katotohanang dinaranas at nagpapahirap sa kanilang sektor.
Sa Eastern Visayas, naglunsad ng protesta ang mga estudyante ng University of the Philippines-Tacloban College at mga progresibong grupo sa harap ng kampus. Bahagi ang pagkilos ng paggunita sa Buwan ng mga Pesante at pagkundena sa katiwalian ng rehimeng Marcos. Bago ang protesta, inilunsad ng mga grupo ang Rise Against Corruption Alliance.
Sa Catarman sa Northern Samar, sama-samang nagtirik ng kandila at naglunsad ng programa ang mga mamamahayag pangkampus, mga lider-estudyante at iba pang grupo bilang panawagan para sa hustisya at pananagutan sa malaganap na korapsyon ng rehimeng Marcos. Sigaw nila: ‘Ikulong na ‘yan, mga kurakot!’
Binubuo ang KBKK ng mga organisasyong nanguna sa dambuhalang pagkilos sa Luneta Park noong Setyembre 21 na tinawag na Baha sa Luneta. Kabilang sa mga myembro nito ang Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abuado Network Alliance (TAMA NA), Panatang Luntian, Movement Against Tyranny, Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Bunyog Pagkakaisa, Greenpeace Philippines, Seniors Kontra Kurakot, Social Workers Against Corruption, One Nation One Voice One Church, United People Against Corruption (UPAC), Working People Against Corruption, UP Diliman University Student Council, PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral, Gabriela, Babae para sa Inang Bayan, San Pablo Ayaw sa Korapsyon (Sapak), Hiphop United, Health Alliance for Democracy, at Koalisyong Makabayan.











