Lubhang nakukulangan ang Taumbayan Ayaw sa Magnanakaw at Abusado Network Alliance (TAMA NA) sa paunang pinangalanan ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ng rehimeng Marcos para masampahan ng kaso ng Office of the Ombudsman kaugnay ng korapsyon sa mga proyektong flood control. Inirekomenda ng ICI ang pagkakaso sa mga kasalukuyan at dating senador, kongresista at mga upisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Commission on Audit (CoA) noong Oktubre 29.
Kabilang sa mga pinangalanan ng ICI na dapat kasuhan sina Senator Jinggoy Estrada, Senator Joel Villanueva, nagbitiw na Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co, dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, COA Commissioner Mario Lipana, at dating Caloocan Rep. Mitch Cajayon-Uy. “Hindi ito sapat, sobrang konti pa nyan,” pahayag ni Dr. David San Juan, pinuno ng TAMA NA.
Pakutsang binigyan ng “maliit na palakpak” ni San Juan ang ICI dahil aniya, sa wakas ay mayroon nang nakasuhan mula nang nagsimula ang mga imbestigasyon at itinatag ng rehimeng Marcos ang komisyon. “May makakasuhan na sa wakas, e kasi nagpuprotesta tayo. Kung hindi bumaha sa kalsada noong Sept 21, walang ICI, wala silang makakasuhan ngayon,” dagdag niya.
Ang TAMA NA ay isa sa mga nag-organisa at nanguna sa 100,000 kataong pagkilos sa Luneta Park noong Setyembre 21 na tinawag na Baha sa Luneta.
Ayon kay San Juan, mahalaga ngayon na bantayan ang mga pag-usad sa ICI at Ombudsman dahil posibleng “sacrificial lamb” o “alay” lamang ang mga pinakakasuhan ng komisyon. Maaari umanong tugon lamang ito ng komisyon para buhusan ng malamig na tubig at pahupain ang galit ng taumbayan.
“Magkaso tayo (ICI) para kunwari may nangyayari..pero ano ang kakasuhan, ilang senador, ilang kongresista, undersecretary,” ayon kay San Juan. Posible umanong taktika din ito para gipitin ang ngayo’y tumetestigong DPWH undersecretary na si Bernardo para takutin na huwag ikanta ang iba pang mga sangkot laluna ang mga mastermind at para iligtas ang mga “hari at reyna ng korapsyon.”
Bwelta pa ni San Juan, mismong mga upisyal ni Marcos ang nagsabing sobrang lawak at sobrang lalim ng problema ngunit ngayon ay napakakonti pa lang ng pinakakasuhan. “Panawagan natin: Protestang bayan kontra kurakot! Huwag magpalinlang sa imbestigasyon sa ngayon ay wala pa namang nangyayari,” pahayag niya.
Ganito rin ang sentimyento ng United People Against Corruption (UPAC). Ipinahayag ng grupo na magbabantay sila kasama ang mamamayan.
“Nananatiling malakas ang hangarin ng mamamayan para sa transparency at pananagutan,” ayon kay Bishop Kiko Herrera, tagapagsalita ng UPAC. Ipinahayag ng obispo na sa harap ng mga hakbang ng ICI, hiwalay na uusad ang inoorganisa ng UPAC na People’s Tribunal para tunay na mapakinggan ang boses ng mga nalubog at apektadong komunidad.
Ang UPAC at TAMA NA ay kapwa bahagi ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK), isang network na nabuo matapos ang dambuhalang pagkilos sa Luneta Park noong Setyembre 21. Binubuklod ng network ang maraming grupo at sektor para ipagpatuloy ang laban sa korapsyon at para sa katotohanan at pananagutan. Nakatakdang maglunsad ng Protestang Bayan Kontra Kurakot ang KBKK sa buong bansa sa Nobyembre 30.











