Ikinalulugod ng Migrante Netherlands ang tagumpay ng mga dating manggagawa ng Saints and Stars Gym sa kanilang kaso laban sa kumpanya. Noong Disyembre 16, naglabas ng desisyon ang District Court ng Amsterdam pabor sa mga manggagawa. Ayon sa desisyon, napatunayan na niloko ng kumpanya ang mga manggagawa nang pinangakuan nito na bibigyan sila ng work permit. Gumamit din ang kumpanya ng panloloko upang marekluta, makontrol at maabuso sila. Inutusan ng korte ang kumpanya na bayaran ang lima sa kanila ng €15,000 (₱980,000) kada isa, kabilang ang transition payment, fixed damages at holiday pay.
“Makasaysayan ang tagumpay na ito dahil bihira ang mga Pilipinong migranteng manggagawa na nagsasalita at nagpapahayag ng nararanasan nilang pang-aabuso at pagsasamantala sa Netherlands, at mas bihira ang nananalo,” pahayag ni Mark Pascual, campaigns officer ng Migrante Netherlands.
“Ang kaso na ito ay nagpapahiwatig sa mga migranteng biktima na pwede silang magsalita, mag-organisa at lumaban sa mga nang-aabuso at nagsasamantala sa kanila,” dagdag ni Pascual.
Nagpahayag ng tuwa ang mga manggagawa sa desisyon ng korte at umaasa na magtatagumpay din sila sa iba pa nilang kaso.
“Kung hindi kami naglakas-loob na mag-report or magsumbong tungkol sa Saints & Stars… siguro hanggang ngayon gumagawa pa rin ng hindi maganda yung Saints & Stars,” pahayag ni Lilian, kinatawan ng mga manggagawa.
Ayon sa Migrante-Netherlands, hindi pa tapos ang kanilang laban. Kasalukuyang pang nakabinbin ang kanilang apela laban sa desisyon ng Openbaar Ministerie (Public Prosecution Service). Nagdesisyon noon ang korte na walang pang-aabuso at human trafficking ng naganap. Nakabinbin din ang aplikasyon ng mga manggagawa para sa permit para magtrabaho sa bansa.
Kinundena ng grupo ang kakulangan ng suporta ng embahada ng Pilipinas sa mga mangagawa. Anito, nangako embahada na tuluy-tuloy nitong tutulungan ang mga manggagawa pero isang beses lamang nagbigay ng pinansyal na tulong. Kulang ang ibinigay sa pangangailang nila laluna may kinakaharap silang kaso at maari silang mawalan ng tirahan.
“Hindi katanggap-tanggap ang katahimikan at kawalan ng aksyon ng embahada sa nararanasang kawalang katiyakan ng mga manggagawa at sa posibilidad ng kanilang deportasyon. Obligasyon ng embahada ng protektahan ang karapatan, kagalingan at kaligatasan nga mga Pilipino sa ibayong dagat,” pahayag ng grupo.
Nanawagan ang Migrante Netherlands sa gubyernong Dutch na tiyakin na lahat ng mga manggagawa na biktima ng pang-aabuso ng mga kumpanyang tulad ng Saints and Stars Gym ay may proteksyon at hindi napaparusahan. Nananawagan din ang grupo sa gubyerno ng Netherlands na ibasura ang mga polisiya na nagpapahintulot sa mga mapang-abusong employer na makatakas sa pananagutan. Para sa mamamayang Dutch, nananawagan ang mga Pilipino na patuloy na suportahan ang laban ng mga migranteng manggagawa hanggang makamit nila ang hustisya.











