Nagsagawa ng protesta ang mga manggagawa ng Kowloon House West at Wyeth Philippines sa pangunguna ng kanilang mga unyon noong Oktubre 24. Panawagan nila ang dagdag sahod at paggalang ng kumpanya at maneydsment sa karapatan ng mga manggagawa.
Sa Kowloon House West, nagpiket ang mga manggagawa sa labas ng restawran sa West Avenue, Quezon City sa pangunguna ng Kowloon House West Chapter ng Genuine Labor Organization of Workers in Hotel, Restaurant, and Allied Industries-Kilusang Mayo Uno (Glowhrain-KMU). Kinundena ng unyon ang tinawag nitong tahasang pagbalewala ng maneydsment sa karapatan ng mga manggagawa at paglabag sa kanilang Collective Bargaining Agreement (CBA).
Ayon sa unyon, bigo ang restawran na ipatupad ang mga prubisyon ng CBA tulad ng across-the-board na pagtaas ng sahod alinsunod sa atas ng regional wage board at wastong proseso sa mga kaso ng pagdisiplina. Hindi rin ito nagbibigay ng nararapat na benepisyo at proteksyon.
“Mula Wage Order No. 23 noong 2022 hanggang sa Wage Order No. 26 ngayong taon ay ipinagkakait ng management ang napagkasunduang across-the-board increase ayon sa CBA. Binubuhay mula sa pagod ng mga manggagawa ang Kowloon, ngunit nananatiling lugmok ang aming kabuhayan,” pahayag ni Bernard Dimaunahan, presidente ng unyon.
Ginagamit na pagdadahilan ng restawran na humihina ang benta nito kaya hindi napatutupad ang dagdag sahod at iba pang karapatan. “Bola-bola lang na malulugi ang kumpanya, gayong doble hanggang triple ang produksyon dahil sa mataas na demand ng mga konsumer,” tugon dito ni Dimaunahan.
Mula Hunyo, maraming kaso na ang isinampa ng mga manggagawa sa Department of Labor and Employment (DOLE) laban sa maneysdment ng restawran dahil sa mga paglabag nito sa mga prubisyon ng CBA. Nagpahayag rin ang unyon ng hinaing laban sa mga bagong patakaran ng restawran at mga aksyong pandisiplina, na anila ay layuning takutin ang mga manggagawa at pahinain ang unyon.
“Matibay ang pagkakaisa naming mga manggagawa ng Kowloon kahit pa tinatapatan kami ng panggigipit. Makatwiran at nararapat ang panawagan naming kilalanin ang CBA at ang aming unyon,” dagdag ni Dimaunahan. Umaasa ang unyon na sa pamamagitan ng kanilang protesta ay haharapin sila ng maneydsment at maitulak ang pagsisimula ng matagal nang inaantalang negosasyon para sa bagong CBA.
Mula pa Agosto ngayong taon ay itinutulak na ng unyon na simulan na ang negosasyon ngunit sadya itong inaantala at binabaliwala ng maneydsment.
Sa Wyeth Philippines, muling nagprotesta ang mga manggagawa sa pangunguna ng Wyeth Philippines Progressive Workers Union-Drug, Food and Allied Workers Federation (WPPWU-DFA-KMU) sa harap ng planta ng kumpanya sa Cabuyao City, Laguna. Kinundena nila ang patuloy na pagtanggi ng kapitalista na tugunan ang panawagan nilang makatarungang sahod at regularisasyon sa halos apat na buwan nang negosasyon para sa CBA.
Sa ulat ng unyon, hindi pumayag ang kanilang mga kinatawan sa pambabarat ng kapitalista para sa hiling na dagdag sahod. Noong Oktubre 21 sa ika-16 na paghaharap, tumanggi ang WPPU sa alok na ₱4,500 dagdag sahod para sa tatlong taon at at dating mga benepisyo. Malayo ito sa hiling ng unyon na ₱15,000 dagdag sahod sa tatlong taon na ibinaba na nila sa ₱10,000 bilang kompromiso.
“Hindi katanggap tanggap para sa atin ang ganitong pagtrato! Kung tutuusin, kung wala tayong lilikhaing produkto, wala rin naman silang maibebenta at walang malilikhang tubo!” pahayag ng unyon. Anito, maliit lang ang hinihiling ng mga manggagawa kung ikukumpara sa ₱19 bilyon na kabuuang kita ng Wyeth-Nestlé noong 2024.
Sa kompyutasyon, ang dagdag sahod na kanilang panawagan ay ₱1,320,000 lamang para sa 132 myembro ng unyon, na katumbas lang ng 0.069% ng kinita ng kapitalista noong 2024. Malinaw umano na “buraot” ang pamunuan ng Wyeth Philippines sa pagtanggi nitong ibigay ang makatarungang dagdag sahod.











