Mga magsasaka sa Batangas, nagsampa ng reklamo laban sa 59th IB

Pormal na nagsampa ng reklamo sa Commission on Human Rights noong Setyembre 4 ang mga grupong Alyansa ng mga Magsasaka para sa Kumpensasyon (AMK) at Sugarfolks Unity for Genuine Agricultural Reform (SUGAR) kaugnay sa panibagong mga insidente ng panggigipit at red-tagging ng mga pwersa ng 59th IB sa kanilang mga myembro at lider.

“Sa halip na tugunan ang kagyat naming panawagan para sa kumpensasyon para sa mga magsasaka at mangingisdang sinalanta ng kalamidad, mas pinili ng estado na magpapunta ng militar upang kami ay takutin,” pahayag ni Ayrene Marasigan, tagapagsalita ng AMK.

Ayon sa mga grupo, may dalawang nagpakilalang sundalo sa asawa ni Marasigan, at pinilit siyang magsilbing “mata” ng militar sa organisasyon. Pinagbantaan rin si Marasigan na kung hindi siya pumunta sa patawag ng mga sundalo ay pupuntahan siya ng kapulisan at sundalo sa kanyang bahay.

Dagdag dito, pinagbantaan ang mga myembro na baka sila ay “maambus” kung hindi sila tumigil sa pagsama sa mga aktibidad ng organisasyon. Malisyoso ring inakusahan ng isang nagpakilalang ‘Ian Marasigan’ na tauhan ng 59th IB, na myembro ng rebolusyonaryong grupo si Marasigan kasama ang mga lider ng progresibo sa Batangas tulad nina Louie Quiroz, Ahla Fortuno at Hailey Pecayo.

Bago ang naturang insidente, una nang ni-red-tag ng mga sundalo si Desiree Dimailig, upisyal ng SUGAR, noong Pebrero.

“Mag-iisang taon na mula nang nanalanta ang bagyon Krisine na pinalala ng substandard na DPWH floodway project sa aming distrito. Dagdag pinsala ang pangrered-tag sa amin ng 59th IB. Nasira na nga ang aming kabuhayan, nais pa nilang masira ang aming buhay,” pahayag ni Louie Quiroz, upisyal din ng SUGAR.

“Kung may mangyari sa aming masama, walang ibang sisisihin kundi ang 59th IB!” dagdag ni Quiroz.

Source link