Nagsama-sama ang iba’t ibang mga personahe at grupong HipHop para batikusin ang marahas na pagbuwag ng mga pulis at pwersa ng estado sa protesta at salpukan sa Mendiola noong Setyembre 21. Ang ilan sa kanilang kapwa artist ay inaresto ng mga pulis at ngayo’y bahagi ng tinaguriang Mendiola 277.
Kabilang ang ilang mga grupo at HipHop artist sa lumahok sa malawakang demonstrasyon kontra korapsyon noong Setyembre 21. Kahanay nila ang daan-daanlibong nagprograma sa Luneta Park sa Maynila at kalaunan nakimartsa tungong Mendiola.
“Ngayong nahaharap ang ating bansa sa krisis dahil sa taun-taon at admi-administrasyong korapsyon at kapabayaan ng gobyerno sa mamamayan, makatwiran lamang ang ating pagtindig at paglaban bilang mga HipHop artist,” pahayag ng mga grupo at artist.
Anila, ang HipHop ay isang pampulitikang kilusan at nakaugat sa kasaysayan ng kulturang ito ang paglaban sa kalupitan at pang-aapi, rasismo, at karahasan ng kapulisan at estado sa mamamayan. “Ang HipHop ay naging armas ng aping mamamayan upang itambol ang kanilang mga panawagan sa pamamagitan ng musika at sining biswal partikular sa pag-rarap at graffiti,” pahayag nila.
Kaugnay nito, mariin ang kanilang pagkundena sa “sobra-sobra at walang habas na paggamit ng dahas [at pag-aresto] ng kapulisan sa mga nagpuprotesta.” Kinundena rin nila ang mga tauhan ng rehimeng Marcos at lokal na gubyerno ng Maynila sa walang batayang pagtuturo sa mga HipHop artist bilang “nag-udyok” sa naganap na salpukan.
“Bulag nilang ibinabaling ang sisi sa mamamayan, habang malinaw na ang dahilan kung kaya humantong sa karahasan ang mapayapang protesta ay ang ilang taon nang pagkakalugmok ng taumbayan dahil sa korapsyon at kapabayaan ng gubyerno,” anila.
Paliwanag ng mga grupo at artist, ang mga nagprotesta ay ang karaniwang manininda na biktima ng mararahas na clearing operation sa Maynila, mga kaanak ng mga pinatay sa Oplan Tokhang at iba pang dinahas ng estado.
“Sila ang mga mamamayang nawalan ng kabuhayan, bahay, at mahal sa buhay dahil sa baha at mga kalamidad na hindi sana mangyayari kung inuuna ng gobyerno ang kapakanan ng mamamayan at nalalaan ng tama ang pondo ng bayan para sa mga serbisyong panlipunan at hindi napupunta sa bulsa ng iilan,” pahayag nila.
Kaugnay ng kagustuhan nilang tuluy-tuloy na magkaisa at manindigan, inianunsyo ng mga grupo at HipHop artist ang pagbubuklod para buuin ang malawak na alyansang HipHop United Against Corruption. Magsisilbing mga convenor ng alyansa ang Junkie Rebels Crew, Tanghalang Bayan ng Kulturang Kalye – Tabakk, Banghayan, KUWAGAGOHAN Battle League, Motus Battle League, PULO Rap Battle League, FlipTop Battle League, INGAY LIKHA, FRBL, Raplines Battle League, Rapugutan Rap Battlegrounds, Apoc, Plazma The Demented, Tulala, V I T R U M, FEIFEI, BROKI SERINA, TRNGL, FACEFIRST, RUN DELIKS, Daluyong Artist Network at UPRISING.
Hinimok nila ang mga kapwa artist at grupo na makisangkot at maging bahagi ng alyansa. Mayroon nang pinaplanong mga pagtitipon at aktibidad ang alyansa sa darating na mga linggo para batikusin ang karahasan sa Mendiola at labanan ang korapsyon.











