Naglabas ng “subpoena” ang mga estudyante ng University of the Philippines (UP)-Diliman laban kay Ferdinand Marcos Jr, Sara Duterte, at lahat ng mga tiwali at pasistang upisyal para panagutin sila sa korapsyon, brutalidad ng pulis at intimidasyon sa kabataan. Ang “subpoena” ay ipinakita ng mga estudyante sa isang rali sa kampus at kasunod na martsa tungong Philcoa sa Commonwealth Avenue noong Oktubre 24.
Tugon nila ang “subpoena” sa pagpapa-subpoena ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kay UP Diliman University Student Council Chairperson Joaquin Buenaflor at ibang lider-kabataan. Tinugis sila ng rehimeng Marcos dahil sa paglahok at pangunguna nila sa kilusang walkout at mga demonstrasyong kabataan kontra korapsyon.
Hindi bababa sa apat na lider-kabataan na ang “ipinatawag” ng PNP-CIDG para ipailalim sa “imbestigasyon.” Kabilang dito ng dalawang lider-estudyante mula sa Polytechnic University of the Philippines at isang estudyante ng De La Salle-College of St. Benilde na oraganisador ng grupong Kalayaan Kontra Korapsyon. Tumanggi silang humarap sa mga pulis.
“Sa bisa ng kapangyarihang ipinagkaloob sa mamamayang Pilipino…kayo ay inaatasang humarap sa Kataas-taasang Hukuman ng Bayan—ang mga lansangang nagsisilbing hukuman ng katotohanan—upang sumagot at managot sa korapsyon at pasismo ng iyong rehimen, at harapin ang hatol ng taumbayan na nagnanais na alisin ka sa iyong katungkulan,” saad ng “subpoena” ng mga kabataan.
Ayon pa dito, kung hindi tutugon sa mamamayang Pilipino sina Marcos, Duterte at mga sangkot sa katiwalian at pasismo, ay posible silang maharap sa pinatinding mga demonstrasyon at tuluy-tuloy pang mga kilos protesta. Hindi bababa sa 43 mga konseho at organisasyon sa kampus, sa pangunguna ng UP Diliman USC, ang pumirma sa “subpoena.”
Ang protesta ng mga estudyante at grupo mula sa UP Diliman noong Oktubre 24 ay bahagi rin ng linggu-linggong Black Friday Protest na inilulunsad ng mga progresibong grupo.











