Pansamantang napasuspinde ng Defend Ilocos Sur at ng mga taong simbahan ang dredging ng Isla Verde Mining and Development Corporation sa Isla verde, Ilocos Sur. Ayon sa Defend Ilocos Sur, isa itong malaking tagumpay para sa mamamayan ng prubinsya.
Sa isang dayalogo sa pagitan ng Department of Natural Resources-Regional Officer 1 (DENR-RO1) at ng organisasyon noong Nobyembre 19, napagdesisyunan na isuspinde ang operasyon ng kumpanya nang 15 araw. Hindi rin pahihintulutan ang paghuhukay ng kumpanya hangga’t hindi nito nakukumpleto ang mga kinakailangan na mga dokumento.
Napag-alaman na ilang ulit na lumabag ang kumpanya sa batas. Kabilang dito ang pagpapatuloy ng operasyon nang lagpas sa itinakdang panahanon at lampas din sa erya na takdang saklaw ng operasyon. Maraming beses ding hindi sumunod sa utos ng Mines and Geosciences Bureau Regional Office 1 (MGB-RO1) ang kumpanya na itigil nito ang dredging.
Ang mga materyales na nahuhukay ng kumpanya ay ibinebenta ng kumpanya sa mga proyektong reklamasyon sa Pasay City at sa Bulacan. Taliwas ito sa inaprubahang plano ng Department of Public Works and Highways Regional Office 1 (DPWH RO1) na ang operasyon ay para sa mitigasyon ng pagbaha sa Metro Vigan. Plano din sana gamitin ang mga materyales na makukuha para sa proyektong flood control sa syudad, ngunit hindi rin ito sinunod.
Bagamat inisyal pa lamang ang tagumpay, nanindigan ang mga Ilokano na hindi sila hihinto hangga’t hindi tuluyang napatitigil ang operasyon ng IVMDC. Nanawagan din ang grupo para sa makatarungan at sapat na kumpensasyon para sa mga napinsalang komunidad at rehabilitasyon para sa nasirang kapaligiran.











