Nananawagan ang Melito Glor Command-NPA Southern Tagalog sa mga rebolusyonaryong pwersa at naliliwanagang mamamayan ngayong ika-53 anibersaryo ng NDFP na tahakin ang landas ng rebolusyon at ialay ang buong kaya para sa pagsusulong ng armadong pakikibaka.
Ang araw na ito ay okasyon upang ipagdiwang ang buhay at pakikibaka ng mga rebolusyonaryong martir at bayani ng sambayanan. Mataas na Pulang saludo ang iginagawad ng MGC-NPA ST sa mga Pulang mandirigma na nag-alay ng kanilang dugo at pawis tungo sa pagkakamit ng isang malaya at demokratikong lipunan. Inihahandog ng MGC-NPA-ST ang araw na ito para sa mga Pulang mandirigma na namartir sa labanan sa Toboso, Negros Oriental noong Abril 19. Kasama ang iba pang mga martir ng rebolusyon, baon ng lahat ng mandirigma ng MGC ang ipinamalas nilang rebolusyonaryong katapangan, katatagan at kahandaang sumabak sa isang dakila at makatarungang digma kapalit man nito ang kaisa-isa nilang buhay.
Ipinapanata ng MGC-NPA ST na magpupunyagi sa armadong pakikibaka para ihatid ang digmang bayan sa mas mataas ng antas bilang sandata ng mamamayan para wakasan ang malakolonyal at malapyudal na estado. Malaki ang kahingiang ipagwagi ang demokratikong rebolusyong bayan hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo na magbibigay ng malaking dagok sa kapangyarihan ng imperyalismong US. Kasalukuyang niyayanig ng imperyalismong US ang buong mundo sa paghahasik ng gerang agresyon kung saan ngayong taon lamang, sinalakay nito ang Venezuela sa South America at ang Iran sa Middle East sa utos ng pasistang US President Donald Trump. Nahihibang si Trump na makontrol ang mayamang rekurso sa langis ng naturang mga bansa kasabay na maungusan ang China sa pagputol ng mga kasunduan sa ekonomya nito sa mga bansa sa South America at iba pang bahagi ng daigdig.
Sa pagkagahaman ng US, nagdurusa ang mga mamamayang biktima ng gerang agresyon nito. Sa Iran, libu-libong sibilyan ang napaslang habang puu-puong libo ang sugatan. Walang tigil din ang pambobomba ng US na naghuhulog ng halos 920 bomba araw-araw sa unang buwan ng pag-atake. Kahit dehado, matapang na hinaharap ng Iran ang gerang agresyon ng US at marubdob na ipinagtatanggol ang sariling bayan.
Sa mga nagdaang taon, sinuportahan ng imperyalismong US ang gera ng Israel sa Palestine at sinulsulan ang proxy war ng Ukraine at Russia. Sa bawat gerang tulak ng US, lumalaklak ng dambuhalang kita ang kanyang masibang military industrial complex na pinagmumulan ng kalakhan ng mga armas pandigmang ginamit sa gera.
Para isustine ang pagkamal ng maruming tubo mula sa mapanglipol na mga gera, kailangang isustine ng imperyalismong US ang pagpapataw ng hegemonya sa daigdig. Mula sa Americas hanggang Asia ang dinidipahan ng imperyalismong US para maghasik ng gera. Sa Asia patuloy ang pang-uupat nito sa China gamit ang mga alyadong bansa at ang malakolonya nitong Pilipinas. Nasimulan na ang taunang Balikatan Exercises sa Pilipinas na bahagi ng pakana ng US para paigtingin ang tensyon sa West Philippine Sea. Unti-unti na ring ipinapasok ang mga armas-pandigma ng US kabilang ang mga bala, drone, langis, missile systems at iba pa. Sa pagpapanatili ng presensyang militar ng imperyalismong US sa bansa, patuloy na nasasapanganib ang buhay ng mamamayang Pilipino. Kasabay nito ang perwisyong hatid ng pagbabawal sa paghahanapbuhay ng mga residente sa mga lugar kung saan inilulunsad ang mga ehersisyong militar.
Hayagang nagpapakatuta ang rehimeng US-Marcos Jr. sa pagpapahintulot ng paglalabas-masok ng mga tropang Amerikano sa kapinsalaan ng mamamayan. Sa utos ng imperyalismong US, pinahintulutan ng rehimen ang pagpapagamit sa 4,000 ektaryang industrial hub sa Luzon para magsilbi sa supply Chain ng US sang-ayon sa bagong pinasok na kasunduan ng Pilipinas na Pax Silica. Bahagi ng 4,000 ektaryang lupang iginawad sa US ang ilang tipak ng lupa sa Timog Katagalugan na hindi pa inilalantad ng rehimen kung saan. Ang mga ito ay iniratsada sa ngalan ng pakikipagkarera ng US sa China para sa pagkopo ng kritikal na mineral na krusyal sa teknolohiyang artificial intelligence na mahalagang sangkap sa industriyang pandigma.
Hangga’t nananatiling naghahari ang imperyalismong US, patuloy na magdurusa ang sambayanang Pilipino at makakaladkad sa landas ng gerang agresyon nito. Makatarungan ang mga pakikibakang bayan para palayasin ang mga pwersa ng imperyalismong US sa bansa at pabagsakin ang estadong pinaghaharian ng malalaking burgesya komprador, panginoong maylupa at burukrata kapitalista. Dapat tutulan ng mamamayang Pilipino ang gerang agresyon ng imperyalismong US sa Asia Pacific at buong daigdig.
Marapat lamang na paigtingin ng rebolusyonaryong pwersa at mamamayang Pilipino ang digmang bayan na naglalayong wakasan ang daan-taong pagkakasaklot ng imperyalismong US sa bansa. Taos-pusong tatanganan ng MGC ang tungkulin nito sa armadong pakikibaka sa pakikipagtulungan sa iba pang mga alyadong organisasyon ng NDFP at malawak na sambayanang Pilipino. Hinihimok naming sumampa ang mga pinakamabubuting anak ng bayan, gayundin ang iba pang inaapi at pinagsasamantalahang uri sa lipunan.
Nananawagan din ang MGC sa mga aping mamamayan sa iba’t ibang panig ng mundo na pinagsasamantalahan ng imperyalismong US na suportahan ang armadong pakikibaka ng rebolusyong Pilipino. Dapat tayong makipagkaisa para biguin ang gerang agresyon ng imperyalismong US sa landas ng proletaryong rebolusyon. Tanging sa pagsusulong ng rebolusyon sa gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, mawawakasan ang mga gerang agresyong at paghahari ng imperyalismo hanggang sa mahawan ang landas tungong sosyalismo.











