Magkahiwalay na mga protesta ang inilunsad ng mga grupong Moro at pambansa-demokratiko para mahigpit na kundenahin ang pagtindi ng henosidyo ng US-Israel sa Gaza nitong nagdaang mga linggo at ipanawagan ang agarang pagtigil ng mga atake, igiit ang pagpapapasok ng ayuda at kalayaan para sa mga Palestino.
Pinakamatingkad ang pagkilos ng 1,300 Moro sa Marawi City noong Agosto 15 para sa isang “mapayapang pakikipagkaisa at demonstrasyong masa para sa Gaza.” Nagmartsa sila mula Masjed Bato tungong Sarimanok Stadium sa Ground Zero ng syudad, ang lugar na pinulbos ng matinding pambobomba ng rehimeng Duterte at Armed Forces of the Philippines (AFP) noong 2017. Inihalintulad nila ang pagwasak ng AFP sa kanilang syudad sa ginagawang pambobomba ngayon ng pwersang US-Israel sa Gaza. Nakasuot ng puti, nagkakaisa nilang ipinanawagan ang pagtigil ng pananakop at panggugutom sa Gaza.
“Nagkakaisa ang buong mundo sa panawagan para tulungan ang Gaza,” panawagan ni Drieza Lininding, kumbenor ng Moro Consensus Group. “Pinahihirapan ang Ummah (komunidad ng mga Muslim) sa Gaza at hindi tayo dapat magbulag-bulagan sa mga nangyayari,” aniya.
“Ang panawagang ‘Free Palestine’ ay nangangahulugang palayain ang Palestine mula sa pang-aapi, pananakop, at genocide na itinuturing na isa sa pinakamalupit na sinapit ng kasaysayan,” pahayag ng isang propesor na lumahok sa pagkilos. “(M)ahalaga para sa Bangsamoro ang ganitong pagkilos dahil naranasan din ng BARMM ang kolonyalismo at pananakop,” dagdag niya.
Pinangunahan ang pagtitipon ng Sumud Nusantara, Ompongan Youth Organization at Moriatao Diwan Young Professionals. Nakiisa rito ang Supreme Student Government ng Mindanao State University na nakabase sa syudad. Lumahok sa pagkilos ang mga Ustadz, Imaam, estudyante at magulang na may bitbit na mga plakard at ang mga panawagang palayain na ang Gaza.
Bago nito, nagkaroon na “walk for peace” sa syudad noong Agosto 9.
“Ang isyu sa Gaza ay hindi lamang lokal o rehiyunal, ito ay usaping makatao at pananampalataya,” pahayag ng isang kalahok sa aktibidad. “Ang kawalang-katarungan at pagpatay sa mga inosente, lalo na sa mga bata, ay banta sa kabuuan ng ating prinsipyo bilang tao at Muslim. Kung hahayaan natin na mangyari ito nang walang pagtutol, unti-unting maninibago ang pananaw ng mundo—magiging normal ang karahasan laban sa mga walang kalaban-laban,” dagdag niya.
Noon ding Agosto 9, nagsagawa ng indignation rally ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Moro-Christian Peoples Alliance at Philippine-Palestine Friendship Association sa kanto ng E. Rodriguez Avenue at Gilmore Street sa Quezon City para kundenahin ang pagpasa ng parlamento ng Israel ng resolusyon para tuwiran nang sakupin ng militar nito ang Gaza.
“Mariing kinukundena ng Bayan ang plano ng Zionistang Israeli na sakupin ang Gaza City. Ito ay isang nakakabahalang pag-arangkada sa patuloy na gerang henosidyo laban sa mga Palestino,” pahayag ng Bayan.
Noon namang Agosto 13, nagprotesta ang mga mamamahayag, grupong kabataan at midya sa loob ng University of the PHilippines sa Diliman, Quezon City para kundenahin ang huling kaso ng pamamaslang ng US-Israel sa mamamahayag sa Palestine. Pinakahuling biktima ng pamamaslang ang limang mamamahayag sa Gaza, kabilang si Anas al-Shariff, natitirang korespondent ng Al Jazeera sa lugar na binomba ng US-Israel noong Agosto 12. Mula Oktubre 2023, lampas 200 na mga mamamahayag ang pinatay ng mga bomba ng Israel sa Gaza pa lamang.










