Mariing kinundena ng Kabataan Partylist (KPL) at ng mga grupong maka-kalikasan ang patuloy na pagyurak ng imperyalismong US sa soberanya at kalikasan ng Pilipinas, kasunod ng ulat na ginagawa nitong tapunan ng mga nakalalasong electronic waste (e-waste) ang Subic Bay Freeport sa Zambales.
Sa isang press conference noong Hunyo 25, iginiit ni Kabataan Rep. Renee Co ang isang komprehensibong imbestigasyon sa Kongreso para panagutin ang US at mga kasabwat nitong ahensya ng reaksyunaryong gubyerno. Ipinakita ng mga grupong Ban Toxics at Basel Action Network sa pamamagitan ng bidyo ang daan-daang container ng e-waste mula sa US ang kasalukuyang nakatambak at pinuproseso sa Subic.
Binatikos ng KPL ang Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) na nagpahintulot sa kaayusang ito. Ginamit ng SBMA ang katayuan ng Subic bilang “freeport zone” upang ideklara ang freeport bilang isang “Basel Convention-free zone” para labagin ang pandaigdigang kasunduan na nagbabawal sa pagtatapon ng nakalalasong basura sa mga mahihirap na bansa.
“Ang Subic ay nasa Pilipinas,” ani Rep. Co, “hindi katanggap-tanggap na dahil lamang ito ay isang freeport zone [ay] maaari nang malayang magsunog at magtapon ng mga nakalalasong e-waste nang labas sa proteksyon ng ating mga batas.”
Ayon sa KPL, ang ganitong iskema ay patunay ng lalong lumalalang ugnayang kolonyal sa pagitan ng US at ng reaksyunaryong gubyern ni Marcos. May mga ulat pa hinggil sa binabalangkas na isang bilateral agreement na magpapahintulot sa pagpasok ng basura ng US sa bansa. Nagbabala din si Co sa malaking risgo nito sa seguridad. Aniya, kung nakalulusot ang mga iligal na basura nang hindi dumadaan sa Bureau of Customs, maaari ring maglaman ang mga ito ng iba pang mapanganib na kargamento, kabilang ang mga armas militar ng US.
Sa ilalim ng rehimeng nagpapakatuta sa Washington, tahasang ginagawang basurahan ang Pilipinas habang pinipinsala ang kalusugan ng mamamayan at ang kapaligiran. Giit ng pambansa-demokratikong kilusan, dapat wakasan ang pambubusabos na ito ng US. Ang Pilipinas ay hindi tapunan ng imperyalismo, at dapat panagutin ang kasabwat nitong lokal na mga burukrata-kapitalista.










