Ang Bayan Ngayon » Magsasaka sa Leyte, 2 linggo nang iligal na ikinulong ng militar

Isang magsasakang residente ng Barangay Masuganao, Mahaplag, Leyte ang dinakip noong Oktubre 16 at hindi pa pinalalaya ngahanggang ngayon. Dinakip si “Loloy” ng mga sundalo sa walang batayang paratang na tagasuporta ng Bagong Hukbong Bayan (BHB).

Mayroong isang anak na may sakit sa pag-iisip si Loloy. Mula nang idinetine siya ng militar ay hindi malinaw kung ano ang kalagayan ng anak niya dahil walang nakapag-asikaso dito.

Ayon sa BHB-Leyte Island (Mt. Amandewin Command), posibleng tinarget ng mga sundalo si Loloy bilang ganti sa hukbong bayan at sa inilunsad nitong opensibang aksyon sa katabing bayan ng Javier noong Oktubre 15. Kinundena ng yunit ang pagganti sa sibilyan at seryosong paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas.

Sa ulat ng mga residente, nililigalig din ng mga sundalo ang mga katabing barangay ng Masuganao. Nagpapakalat ang militar ng disimpormasyon at intriga sa pamamagitan ng kanilang mga ahente at aset.

Ang bayan ng Mahaplag ay kabilang sa 42 bayan sa buong Eastern Visayas na idineklara ng 8th ID noon pang 2015 bilang “rebel-free.” Tugon dito ni Ka Dodong Malaya, tagapagsalita ng BHB-Leyte Island, pinasusubalian mismo ng mga hakbang at militarisasyon ng 8th ID ang deklarasyong ito.

“Ang tuluy-tuloy na panghahalihaw ng kanilang mga tropa sa mga komunidad sa nakaraang isang dekada ang mismong nagpapatunay na sinungaling ang 8th ID,” dagdag ng tagapagsalita.

Source link