Naglunsad ng kilos-protesta noong Hulyo 23 ang mga mangingisdang kasapi ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya (Pamalakaya)-Navotas sa harap ng Navotas City Hall para panagutin ang lokal na gubyerno sa paglubog sa baha ng syudad. Isinisisi ng mga mangingisda ang paglubog ng syudad sa 650-ektaryang Navotas Coastal Bay Reclamation Project.
Ang proyektong reklamasyon ay itinutulak ng lokal na gubyerno at kasosyo nitong Argonbay Construction Company. Ang Argonbay ay subsidyaryo ng San Miguel Corporation na pag-aari ni Ramon Ang.
Ayon kay Romel Escarial, tagapangulo ng Pamalakaya-Navotas, ang reklamasyon ang isa sa mga nakikita nilang dahilan kung bakit mabilis bumaha at matagal humupa ang tubig sa syudad at sa ibang bahagi ng Metro Manila. “Ramdam na ramdam ng mga mangingisda at mamamayan ng Navotas ang epekto ng pagtatambak sa dagat,” pahayag niya.
Liban sa pagbaha, naghatid ng delubyo sa kabuhayan ng mga mangingisda at residente sa baybayin ng syudad ang reklamasyon. Sinasabi ng Pamalaya-Navotas na ang proyektong reklamasyon ang nasa likod ng demolisyon sa daan-daang tahungan na sinimulan noong Marso 16, 2024. Sinaklaw nito ang mahigit anim na kilometrong haba at tatlong kilometrong lapad ng tahungan.
“Wala nang dahilan para ipagpatuloy pa ang mga proyektong ito,” dagdag ni Escarial.
Samantala, binatikos rin ng mga mangingisda ang administrasyong Marcos sa kabiguan nitong paghandaan at tugunan ang mga kalamidad. Ayon sa inisyal na pagtataya ng Pamalakaya, mahigit 3,000 mangingisda sa Navotas ang naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Crising at pag-ulan na hatid ng hanging habagat.











