Ang Bayan Ngayon » ‘Lakbayan ng Mamamayan Kontra Korapsyon,’ inilunsad ng mga grupo sa NCR

Daan-daang mamamayan ng National Capital Region (NCR), pangunahin mula sa hanay ng mga manggagawa at maralitang-lunsod, ang nakiisa at nagmartsa sa mga kalsada ng pambansang kabisera para sa Lakbayan ng Mamamayan Kontra Korapsyon noong Nobyembre 7. Mula sa iba’t ibang mga syudad sa NCR, nagtipon ang mga grupo sa Liwasang Bonifacio noong hapon at magkakasamang nagmartsa tungong Mendiola noong gabi para singilin ang rehimeng Marcos sa malawakang korapsyon.

Nagkaroon ng mga lokal na programa sa Intramuros, Recto, Kalaw, Morayta at Taft Avenue sa Maynila; Monumento sa Caloocan City; Welcome Rotonda sa Quezon City; Marikina City; Buendia sa Makati; at Alabang sa Muntinlupa City bago ang pagtitipon sa Liwasang Bonifacio. Pinangunahan ang mga pagkilos ng mga grupong bahagi ng United People Against Corruption (UPAC) at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-NCR.

“Ang mga manggagawa at mahihirap parati ang nagbabayad sa pinsalang dulot ng korapsyon,” pahayag ni Bishop Bellaser Kiko Herrera ng UPAC. Aniya, habang nangungulimbat ng pondo ng bayan ang mga pulitiko ay nalulubog sa baha, nawawalan ng tahanan at nasisira ang kabuhayan ng mga maralita. “Ang Lakbayan ang araw ng paghatol ng bayan sa korapsyon,” dagdag ng obispo.

Liban sa mga komunidad, malawakan ang naging partisipasyon ng mga estudyante mula sa mga kampus ng University of the Philippines, Polytechnic University of the Philippines, Far Eastern University, University of the East, National Teachers’ College, Eulogio “Amang” Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST), Centro Escolar University, Adamson University, Universidad de Manila, Bestlink College of the Philippines, Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa at iba pa. Marami sa mga unibersidad na ito ang nauna nang lumahok sa kilusang walkout kontra korapsyon simula noong Setyembre.

Naging tampok sa programa ng Lakbayan ang mga pagtatanghal sa kalye, pangkulturang aktibidad, mga awitin at sayaw na sumalamin sa karanasan ng mga biktima at nakalgitas sa mga sakuna, mga manggagawa at karaniwang mamamayan. “Pinagkaisa ng Lakbayan ang sigaw ng mga maralita at ng uring manggagawa laban sa sistemang ginawang kalakaran ang korapsyon,” ayon kay Dr. Malou Turalde, punong tagapagtipon ng UPAC.

Black Friday Protest

Kasabay ng araw ng Lakbayan, isinagawa rin ng mga grupong bahagi ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) ang Black Friday Protest sa maraming syudad sa NCR. Umalingawngaw sa mga protestang ito ang panawagang panagutin ang lahat ng sangkot sa korapsyon kabilang ang mga Marcos at Duterte.

Sinugod at kinalampag ng People Surge, grupo ng mga nakaligtas sa mga sakuna, at iba pang organisasyong bahagi ng KBKK ang Office of the Ombudsman sa Quezon City. Iginiit nila sa ahensya ang pagpapanagot kay Ferdinand Marcos Jr sa kanyang sentral na tungkulin sa malawakang katiwalian sa imprastruktura at mga proyektong flood control ng gubyerno, at pagpapahintulot sa dayuhang malawakang operasyong mina na nagdudulot ng pagbaha.

Noong gabi, naglunsad ng piket ang sektoral na grupo sa Katipunan Avenue sa Quezon City sa pangunguna ng Bayan. Nagtirik sila ng kandila bilang panawagan ng hustisya sa mga namatay at nasalanta ng sakuna, laluna ng kamakailang Bagyong Tino sa Visayas at Mindanao, laluna sa prubinsya ng Cebu. Sa huling tala, umabot na sa 224 ang napatay sa pagbaha at mayroong 135 indibidwal pa ang nawawala.

Sa Araneta Avenue sa Quezon City, pinangunahan ng Pinagkaisang Lakas ng Mamamayan ang isang kalampagan. Kabilang sa mga nagprotesta ang mga maralitag mula sa Barangay Tatalon na pamalagiang nalulubog sa baha.

Nagsagawa rin ng kalampagan ang mga manggagawang pangkalusugan sa iba’t ibang ospital sa NCR sa pangunguna ng Alliance of Health Workers. Panawagan nilang panagutin ang mga sangkot sa korapsyon at ibigay ang dagdag sweldo at karapatan at pondong nararapat para sa sektor ng kalusugan.

Lumahok din sa araw ng pagkilos ang mga guro mula sa 212 paraalan sa NCR sa pangunguna ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) NCR Union. Ayon sa mga guro, matagal na nilang panawagan ang makabuluhang dagdag sweldo, sapat na pondo sa edukasyon at pagkalinga sa mga guro ngunit sa halip na ibigay ay napupunta ito sa korapsyon. Paghahanda rin umano ang protestang ito sa ikakasang pambansang “sit-down strike” ng ACT Philippines sa Nobyembre 28.

Sa Laguna, muling lumahok sa protesta kada Byernes ang mga manggagawa at unyon nila sa Wyeth Philippines, Yakult Philippines, Nexperia Philippines, at MEC Electronics Philippines. Nanawagan rin ang mga unyon ng dagdag sahod at paggalang sa kanilang mga karapatan.

Ang Lakbayan at ang Black Friday Protest ay mga aktibidad ng paghahanda para sa dambuhalang protestang bayan kontra kurakot sa Luneta Park at iba pang bahagi ng bansa sa Nobyembre 30. Pangungunahan ito ng KBKK na mananawagang: “Lahat ng sangkot, dapat managot!”

Source link