Binatikos ng mga grupo sa karapatang-tao ang pagsasampa ng reklamo ng mga pulis ng paglabag sa Batas Pambansa (BP) 880 o Public Assembly Act of 1985 laban kay Jonila Castro, tagapagsalita ng Kalikasan People’s Network for the Environment. Pinahaharap si Castro sa Office of the Prosecutor sa Pasig City sa Setyembre 25 kaugnay ng reklamo.
Nahaharap si Castro sa naturang reklamo matapos manguna sa pagkilos noong Setyembre 4 sa harap ng gusali ng St. Gerrard Construction, pag-aari ng mga Discaya, na isa sa mga kontratistang imbwelto sa batbat-sa-korapsyong mga proyektong flood control. Binato nila ng putik ang logo at geyt ng kumpanya bilang simbolikong pagpapamalas ng kanilang galit.
Kontrolado ng Discaya hindi lamang ang St. Gerrard kundi walong iba pang kumpanya sa konstruksyon. Sa pananaliksik ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), sinasabing kinopo ng siyam na kumpanya ang 421 proyektong imprastruktura na nagkakahalaga ng ₱31 bilyon.
Ayon kay Castro, inilalantad ng kasong kinahaharap niya kung sino ang tunay na pinuprotektahan ng mga pulis. “[H]indi ang mamamayang makatwirang naglalantad ng katotohanan at nananawagan ng katarungan, kundi ang mga tulad ng mga Discaya na magnanakaw. Inilalantad nito ang kawalan ng katarungan para sa mamamayan sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr,” dagdag ni Castro.
Naninindigan si Castro na karapatan ng mga mamamayan ang magreklamo, maningil, at magprotesta, laluna sa gitna ng lantarang korapsyon. “Kulang pa ang putik na inihahagis at ipinapahid sa tarangkahan ng mga Discaya at sa mga mukha ng mga magnanakaw at korap, sa putik at kahirapang kinalulubugan ng mamamayan sa araw-araw,” aniya.
Binatikos ng Karapatan ang muling paggamit ng mga pulis sa BP 880 na isang batas na ginagamit para sikilin ang karapatang magprotesta mula pa sa panahon ng diktadurang Marcos. Matagal na nitong ipinapanawagan ang pagbabasura ng naturang batas.
“Sa halip na litisin ang karaniwang mamamayan na nagpapahayag ng makatarungang galit laban sa korapsyon, dapat papanagutin muna ng gubyerno ang mga nagnakaw ng bilyun-bilyong pondo ng publiko at mga patuloy na kumikita sa maanomalyang mga proyekto,” pahayag ni Atty. Maria Sol Taule, ikalawang pangkalahatang kalihim ng Karapatan.
Malinaw na walang ibang layunin ang reklamo kundi ituring bilang isang krimen ang pagpuprotesta. Aniya, ang pagpuprotesta ay “pangunahing karapatan ng isang bayan na matagal nang ninakawan, pininsala, at pinagsamantalahan.”











