Nagtipon ang mga kaanak, kaibigan, estudyante at mga tagapagtanggol ng karapatang-tao sa University of the Philippines (UP) Diliman sa Quezon City noong Hunyo 24 para ilunsad ang Justice for Negros 19 Network. Layunin ng organisasyon na ipagpatuloy ang kampanya para sa katotohanan, pananagutan at hustisya para sa Negros 19 na minasaker ng Armed Forces of the Philippines noong Abril 19 sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental.
Ang minasaker ay binubuo ng siyam na hindi armadong mga indibidwal at 10 Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Sila ay sina R.J. Nichole Ledesma, mamamahayag ng Altermidya; Alyssa Alano, lider estudyante ng UP Diliman University Student Council (USC); Maureen Keil Santuyo, myembro ng National Network of Agrarian Reform Advocates-Youth; Errol Wendel, organisador ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura; Lyle Prijoles, Pilipino-Amerikanong lider ng International Coalition for Human Rights in the Philippines; Kai Sorem, Pilipino-Amerikanong oranisador ng Anakbayan sa US; Roel Sabillo, kabataang magsasaka; at dalawang menor-de-edad (15 at 17 taong gulang) mula sa Toboso at Calatrava.
Kabilang rin dito ang iskwad ng sampung Pulang mandirigma ng BHB-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) na sina: Roger Fabillar (Ka Tapang), na nagsilbing kumander ng BHB-Northern Negros; Maria Clarita Branzuel Blanco (Ka Sanim/Pat), instruktor sa pulitika; Rene Villarin Sr (Ka During), iskwad lider; Genevieve Balora (Ka Raia), kadre ng Partido sa distrito; Pedro Bonghanoy (Ka Regen), upisyal sa medikal; Sonny Boy Caramihan (Ka Nikki); Arnel Javoc (Ka JR); Joros Caramihan (Ka Bunso); Labskie Purisimia Enustacion (Ka Judy); at Jocel Gimang (Ka John Paul).
Ayon kay Ayik Casilao, tagapagsalita ng Defend Negros Network, mahigit dalawang buwan matapos ang Abril 19 ay patuloy na ipinalalaganap ng 3rd ID ang mga kasinungalingan at naratibo nito sa nangyari. Aniya, taliwas ang mga pahayag ng AFP sa natuklasan ng National Fact-Finding and Solidarity Mission (NFFSM) noong Mayo 14 na masaker ang nangyari, siyam sa mga biktima ay sibilyan, at patung-patong ang mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas ng AFP.
Dagdag niya, sa kabila ng mga ito ay tahimik at walang ginagawa ang gubyerno ni Marcos. Higit pang pinahihirapan ang pagtuklas sa katotohanan sa pagtanggi ng Philippine National Police na ibigay kahit pa sa Commission on Human Rights ang mga dokumento sa imbestigasyon. Maging ang itinutulak na pagdinig at pagbusisi sa Negros 19 masaker sa House of Representatives ay tinatangkang pigilan ng AFP.
Nagsalita rin sa paglulunsad ng network si Shiela Alano, ina ni Alyssa. “Araw-araw, iniisip namin kung paano makamit ang hustisya para sa mga minamahal namin. Kasi hindi pupwedeng hayaan sila [ang AFP] na pumatay nang pumatay,” ayon kay Shiela.
Kasabay ng panawagan para sa hustisya sa anak na si Alyssa, inihayag rin niya ang panawagan sa lokal ang gubyerno ng Negros Occidental na ibalik ang labi ni Errol Wendel sa kanyang pamilya. Hindi naibalik sa pamilya ni Errol ang kanyang labi dahil sa pagkakapalit-palit ng bangkay na ibinigay ng lokal na gubyerno at militar sa kanyang mga kaanak.
Ayon sa mga ulat, hindi pa pinapayagan ng lokal na gubyerno na ma-exhume o hukayin ang bangkay ni Errol na pinaniniwalaang nailibing sa bayan ng Don Salvador Benedicto sa Negros Occidental. Pagdadahilan ng mga lokal na upisyal, hindi ito pinahihintulutan dahil sa patakarang itinakda ng Department of Health na kailangan lumipas ang tatlong taon bago maaaring hukayin ang isang bangkay. Giit ng mga grupo na bigyan ng makataong kunsiderasyon ang sitwasyon laluna at pagkakamali ng militar at gubyerno ang dahilan ng pangyayari.
Sa pagtitipon, binigyang diin naman ni Atty. Kristina Conti ng National Union of People’s Lawyer na maraming kailangang panagutin sa nangyaring masaker dahil sa mga paglabag sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas. Ipinaliwanag niya rin ang mga ebidensya at testimonyang nakuha ng NFFSM sa Toboso.
Sa pagtatapos ng programa, binasa ni UP Diliman USC Chairperson Joaquin Buenaflor ang mga punto ng pagkakaisa para makamit ang hustisya para sa Negros 19. Kabilang dito ang paglulunsad ng network ng iba’t ibang aktibidad sa hinaharap para masustine ang mga pagsisikap at hindi mabaon sa limot ang nangyari sa Negros 19. Inihayag ni Buenaflor ang mga plano para sa isang produksyon sa teatro, mga porum, mga pagdinig at imbestigasyon, at ang pagbalik ng network sa Negros sa Agosto bilang paggunita sa linggo ng internasyunal na makataong batas.











