Iskemang “cluster crew” ng Wyeth Philippines, magdudulot ng tanggalan

Binatikos ng Wyeth Philippines Progressive Workers Union (WPPWU-DFA-KMU) ang iskemang “cluster crew” na planong ipatupad ng kumpanya sa pabrika. Ayon sa unyon, paraan ito ng pleksibilisasyon na magdadagdag ng trabaho sa manggagawa at posibleng magdulot ng tanggalan.

Pagdadahilan ng Wyeth, ipatutupad ang iskema para punan ang kakulangan ng tao sa produksyon. Batid ng unyon na magdudulot ito ng pagtatalaga sa kanila at pagpapatakbo sa lagpas sa isang makina o di kaya ay paglipat sa iba’t-ibang seksyon ng produksyon.

Liban sa dagdag pahirap at pagsasamantala nito sa mga manggagawa, nangangamba ang WPPWU na gagamitin itong para mahirapan ang mga lider at myembro ng unyon na gampanan ang mga tungkulin at responsibilidad sa organisasyon. Anito, mag-iiba ang araw ng pahinga at araw ng trabaho ng mga myembro na magdidiskaril sa kanilang mga aktibidad.

“Sa huli ay may posibilidad [rin] na magreresulta ito ng tanggalan sa manggagawa o kabawasan sa ating mga benepisyo,” pahayag pa ng WPPWU.

Lumitaw ang planong pagpapatupad ng “cluster crew” sa panahong nagsasagawa ng negosasyon ang mga kinatawan ng WPPWU at pamunuan ng Wyeth para sa bagong collective bargaining agreement (CBA) na sinimulan noong Hunyo. Isinusulong ng unyon sa negosasyon ang ₱15,000 dagdag sahod sa loob ng tatlong taon, dagdag na mga benepisyo, at regularisasyon sa mga kontraktwal.

“Sa kagustuhan naman nating makamit ang dagdag sahod at benepisyo, at pagpapa-regular sa mga kontraktwal, pambabarat, harassment at intimidasyon ang tugon ng maneydsment,” ayon sa WPPWU. Kamakailan lamang, dumanas ng panggigipit mula sa kapitalistang Wyeth ang tagapangulo ng unyon.

Noong Agosto 20, pinadalhan ng “notice to explain” ang tagapangulo ng unyon dahil sa sinasabing hindi niya pagsunod sa mga atas ng Wyeth. Tahasang tinanggihan rin ng kumpanya ang inihain ng tagapangulo ng union leave.

Ayon sa WPPWU, maliwanag na ito ay anyo ng panghaharas at pagtatangkang pigilan ang patuloy na pagpapalakas at pagpapalawak ng unyon. “Sistematikong panggigipit ito kasabay ng mga banta sa kasiguruhan sa trabaho at pagkakamit ng makabuluhang CBA,” dagdag ng unyon.

Sa harap ng mga atakeng dinaranas ng unyon, tuluy-tuloy ang gawaing konsolidasyon nito sa hanay ng mga myembro at manggagawa ng Wyeth para maipanalo ang bagong CBA. Determinado ang WPPWU na isulong ang dagdag-sahod sa susunod na mga taon laluna at nakasaad sa Financial Statements ng Kumpanya mula 2020-2024 na 8% lamang ang gastos sa pasahod kumpara sa kabuuang kita nito sa loob ng limang taon.

Sa taya ng unyon, kung ibibigay ang ₱15,000 dagdag sahod sa WPPWU (unyon sa pabrika) at Wyeth Sales Union na halos aabot sa 300 manggagawa, nasa 11% lamang ng kabuuang kita ng Wyeth ang makakaltas para sa susunod na tatlong taon (2025-2027).

“Kaya panawagan natin sa lahat ng mga manggagawa, malinaw sa kasaysayan ng Unyon na nasa kamay natin ang kaligtasan at ikakatagumpay ng ating mga kahilingan at panawagan. Bigkisin ang ating hanay, magkaisang matuto at kumilos, suportahan ang mga panawagan ng ating unyon at laban ng lahat ng manggagawa,” pahayag nito.

Dagdag ng WPPWU, higit itong kinakailangan sa harap ng patuloy na sabwatan ng kapitalista at gubyerno ng Pilipnas sa pagpapatupad ng mga patakarang neoliberal na gustong lansagin ang pagkakaisa ng unyon at manggagawa.

Ang Wyeth Nutrition Inc. Philippines ay subsidyaryo ng Pfizer Nutrition group na ngayon ay napapailalim sa kumpanyang Nestle. Gumagawa ito ng gatas pangsanggol at bata gaya ng Bonakid, Promil, Bonamil at S26.

Source link