Naglunsad ng iba’t ibang aktibidad ang mga balangay ng Kabataang Makabayan (KM) para ipagdiwang ang ika-60 anibersaryo noong Nobyembre 30. Sa loob ng anim na dekada, itinanghal ng KM ang watawat ng pambansang demokrasya at pinalaganap ang mga panawagan para sa tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon, kulturang siyentipiko at pangmasa, demokrasyang bayan at iba pang mga kagyat na kahingian ng sambayanang Pilipino.
Sa Metro Manila, inilunsad ng KM ang oplan pinta-oplan dikit (OP-OD) sa mga lansangan sa pambansang sentro. Isinagawa din ito ng KM sa PUP-Sta Mesa, sa UP Baguio, UP Diliman, UP Cebu at sa prubinsya ng Quezon sa araw ng pagbisita ni Ferdinand Marcos Jr sa prubinsya noong Nobyembre 29. Nag-imprenta ang mga balangay ng polyeto na inilagay nito sa iba’t ibang parte ng kampus sa PUP, at UP para mabasa ng mga estudyante.
Nagpaabot ng pagbati sa KM ang Partido, mga yunit at kumand ng BHB, at mga balangay ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid at Artista at Manunulat ng Sambayanan.











