Hustisya sa mga inaresto at dinahas ng pulis sa Mendiola, ipinapanawagan

Nanawagan ang Karapatan at iba pang mga progresibong grupo ng hustisya at pananagutan sa karahasang inihasik ng mga pulis at pwersa ng estado sa mga nagprotesta sa Mendiola noong Setyembre 21. Giit ng grupo ang isang buo at independyenteng imbestigasyon para panagutin ang lahat ng sangkot mula sa mga punong upisyal hanggang sa mga pulis.

Tinuligsa ni Atty. Maria Sol Taule, ikalawang pangkalahatang kalihim ng Karapatan, sina Department of Interior ang Local Government Sec. Jonvic Remulla, Manila Mayor Isko Moreno, at ang Manila Police District sa lantarang kasinungalingan na walang ginamit na tear gas, hindi nagpaputok at walang namatay sa karahasan. “Ang mga ito ay hayagang pagtatangkang pagtakpan ang mga krimen ng estado,” ayon kay Taule.

Binatikos rin ng grupo ang pahayag ng mga pulis na gumamit ng “maximum tolerance” (maksimum na pagtitimpi) sa pagsupil sa mga protesta. Sa halip, inihayag ng grupo na malinaw sa mga ebidensyang larawan at bidyo, at pahayag ng mga saksi, na “maximum brutality” o labis-labis na brutalidad ang ginamit ng mga pulis sa pag-aresto at pagsupil sa protesta.

Kabilang sa mga nanawagan na batikusin ang “cover-up” sa mga krimen ng estado ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). “Agresibong nagpakalat sa publiko ang mga lokal at pambansang upisyal ng malisyosyong naratibo ng disimpormasyon para pagtakpan ang malulubhang pag-abusong ginawa ng mga pulis,” pahayag ng Bayan.

Malinaw umanong sinadya ng mga pulis na iantala ang pagpapalaya sa mga inaresto dahil sila ang magpapatunay sa ginawa ng mga pulis na karahasan laban sa kanila. Hindi bababa sa 216 na mga indibidwal, kabilang ang 91 menor-de-edad, ang inaresto. Bakas sa kanila ang mga marka ng tortyur, pasa, bali-baling buto, mga tama sa ulo, at troma.

Ang ilan sa kanila ay mga estudyante, manininda, mga delivery rider, manggagawa sa konstruksyon, mga nakatambay lamang at ilang may kapansanan. Ayon sa Karapatan, sa pag-uusisa nila sa iba pang mga istasyon ng pulis ay napag-aalaman nilang mayroon pang naaresto noong Setyembre 21 na hindi isinali ng mga pulis sa upisyal na listahan.

Liban sa pag-aresto, naitala ang pagkamatay ng isang sibilyan sa Recto Avenue, Maynila dahil sa pamamaril ng mga pulis. Nakumpirma ng Karapatan ang pagkamatay ni Eric Saber, isang manggagawa sa konstruksyon na nabaril noong gabi ng Setyembre 21.

Ayon kay Taule, ibinahagi ng mga saksi na galing si Saber sa istasyon ng tren sa Recto at nag-aabang ng dyip nang barilin mula sa kanyang likuran. Bumulagta paharap si Saber, at naisugod sa ospital ngunit namatay rin noong Setyembre 24.

“Ni hindi nga makabili ng bulaklak [para sa burol] ang kanyang nagluluksang pamilya. Bakit ang mga mahihirap na lamang parati ang pinahihirapan, habang ang mga senador at pulitiko ay nagtatampisaw sa bilyun-bilyong nakaw na pondo ng publiko?” ayon pa kay Taule.

Paliwanag niya, ang pauwing manggagawa na si Saber ay pinatay ng mga pulis dahil ang bawat mahirap na Pilipino ay nakikita ng mga berdugo bilang kaaway. “Bakit, kapag lumalaban ang mahihirap, ay binabansagan silang kriminal?” pahayag ni Taule.

Para sa National Union of People’s Lawyers (NUPL), ang patung-patong na mga paglabag sa karapatang-tao ng mahihirap ay patunay ng pagkakasangkapan ng estado sa batas laban sa inaaping mamamayan. “Sa lipunang ito, ang isang nabasag na bintana ay mas mabilis pang pinarurusahan kaysa sa pambubugbog sa bata,” ayon sa grupo ng mga abugado.

Pagdidiin ng NUPL, ang ganitong kalupitan ay nakatuon lamang sa mga mahihirap. “Kapag ang mga makapangyarihan ay nadadawit sa korapsyon at pag-abuso sa karapatang-tao, ibang-iba ang tugon: imbestigasyong pinatatagal nang walang taning, pagtuturo ng sisi sa iba, o lubusang katahimikan,” pahayag ng grupo.

Anito, walang naparurusahan sa mga ekstra-hudisyal na pagpaslang habang ang mga dinastiya sa pulitikang nasasangkot sa korapsyon ay nakababalik pa sa poder na parang walang nangyari.

Anang Karapatan, malinaw na inilantad ng mga protesta noong Setyembre 21 ang pasistang katangian ng rehimeng Marcos. Panawagan ng mga kaanak ng biktima at mga grupo ang imbestigasyon, pagpapanagot sa mga sangkot at pagpapalaya sa lahat ng mga iligal na inaresto, at pagbibigay hustisya sa lahat ng mga biktima ng karahasan ng estado.

Source link