Nagprotesta ang mga estudyante, guro at kawani ng University of the Philippines (UP) System noong Setyembre 25 para ipanawagan ang dagag-badyet para sa unibersidad kasabay ng araw ng pagdinig sa Kongreso para sa badyet ng mga State Universities and Colleges (SUC) sa 2026. Ipinatawag at pinangunahan ang koordinadong pagkilos sa mga kampus ng UP Office of the Student Regent (OSR) at mga konseho ng mag-aaral.
Nagpanukala ang UP System ng ₱46.85 bilyong badyet para sa 2026 ngunit nasa ₱25.82 bilyon lamang ang inaprubahan ng Department of Budget ang Management (DBM) at ng rehimeng Marcos na inilagay nito sa National Expenditure Program (NEP) na nakasalang ngayon sa pagdinig. Noong 2025, kinaltasan ang badyet ng unibersidad ng ₱2.08 bilyon na lubhang malayo sa hininging badyet ng UP System.
Sa UP Diliman, inilunsad ng UP Diliman University Student Council (USC) at mga organisasyon sa kampus ang kilos-protesta sa Quezon Hall. Binatikos ng mga estudyante ang kakulangan ng pondo na nagreresulta sa kakulangan ng sapat na espasyo para sa mga estudyante, naaantalang konstruksyon ng mga gusali, at kawalan ng iba pang serbisyo sa kampus.
Matapos ang protesta sa UP Diliman, nakiisa ang konseho at mga organisasyon sa isinagawang pagkilos ng mga grupo ng kabataan sa harap ng House of Representatives sa Batasan, Quezon City. Giit nilang dagdagan ang badyet para sa lahat ng mga SUC sa buong bansa.
Lumahok sa programa ang si Kabataan Rep. Atty. Renee Co. Ayon sa Kabataan, tahasang kasinungalingan ang ipinagmamalaki ng rehimeng Marcos na tumaas ang badyet sa edukasyon para sa susunod na taon laluna at mayroong 26 na mga SUC ang kakaharap sa kabuuang ₱6.4 bilyong kaltas-baydet para sa 2026.
Nagprotesta rin ang mga konseho ng mag-aaral at iba pang organisasyon sa ibang kampus ng UP. Inilunsad ang mga pagkilos sa UP Manila, UP Cebu, at UP Mindanao. Nagsabit naman ng mga balatengga sa kampus ang UP Baguio USC para ipanawagan ang dagdag-badyet sa unibersidad.
Sa naging pagdinig sa House of Representatives noong Setyembre 25, naitulak ang paglalaan ng dagdag na ₱1 bilyon para sa UP System. Mula ito sa badyet ng Department of Public Works and Highways na inilipat ng House Committee on Appropriations.
Liban dito, dahil sa tuluy-tuloy na pag-usisa ng mga kinatawan ng mga partido sa ilalim ng Makabayan Bloc, natulak ang paglalaan ng pondo para bayaran ang utang sa mga SUC kaugnay ng programang libreng matrikula. Siniyasat nila ito sa unang salang ng mga pagdinig para sa baydet ng Commission on Higher Education, mga paunang pagdinig kasama ang mga administrador ng mga SUC at sa pagdinig sa plenaryo.
Ayon kay Rep. Co, mula 2022 hanggang 2025 ay hindi na sapat ang ibinbigay na pondo sa mga SUC na dapat inilalaan alinsunod sa batas kaya nagkaroon ng “Free Higher Education (FHE) deficiency.” Paliwanag niya, naipon ang pagkukulang na ito hanggang lumobo tungong ₱12.3 bilyon. Hindi pa kasama dito ang inaasahang 2026 FHE deficiency na ₱3.3 billion, aniya.
Sa pagkakalantad ng utang, natulak ang mga kongresista na maglaan ng ₱12.3 bilyon para hindi na ito problemahin ng mga SUC. Gayunman, inihayag ng Kabataan na magpapatuloy ang laban dahil nagbabadya pa rin ang kaltas-pondo sa mga SUC, FHE deficiency sa 2026, kulang na ₱20 bilyon para sa mga prayoridad na proyektong gusali, at kabuuang ₱163.8 bilyong kulang sa pondo mula sa orihinal na panukala ng mga SUC.
Pinagnuahan ng Kabataan Party-list ang pagbubuo ng isang nagkakaisang pahayag ng mga administrador ng mga SUC para itulak ang mga panawagang ito. Sa huling tala, mayroon nang 40 administrador na pumirma sa pahayag.
“Marami pang kailangang gawin para makamit ang tunay na libreng edukasyon na deserve ng kabataan,” pahayag ni Rep. Co. Pinuri niya ang naging tuluy-tuloy na protesta at pangangalampag ng mga kabataan at estudyante para itulak ang karapatan sa edukasyon.











