Apektadong residente sa Dupax del Norte, nagtayo ng barikada laban sa Woggle Corporation

Nagtayo ng barikada ang mga residente ng barangay Bitnong sa bayan ng Dupax del Norte, Nueva Viscaya sa kanilang lupain noong Setyembre 17, upang harangin ang pagpasok ng mga gamit sa pagmimina ng kumpanya.

Ayon kay Florentino Daynos, lider ng komunidad, hinarangan nila ang kalsada na ginagamit ng mga sasakyan upang maiwasan na gamitin itong daanan ng malalaking makina ng kumpanya. Nag-aambag ng pinansyal at materyal na suporta ang mga residente upang suportahan ang barikada at nag-organisa ang mga upisyal kada purok para masustini ang kampanya.

Noong Agosto 4 ay nagsimula nang maghukay ang kumpanya sa barangay Bitnong sa kabila ng kawalan nito pahintulot o konsultasyon sa komunidad hinggil sa aktibidad. Dahil sa malawakang pagtutol ng mamamayan sa planong eksplorasyon, pansamantala itinigil ng kumpanya ang kanilang operasyon.

Samantala, iniwan naman ng kumpanya ang kanilang mga gamit sa pagmimina sa pribadong lupain ng isang residente ng walang paalam. Agad naman itong nireklamo ng may-ari sa barangay.

Ang naturang barikada ay bahagi ng malawakang pagkundena ng mga komunidad ng Dupax del Norte sa planong eksplorasyon at pagmimina ang Woggle Corporation, isang kumpanyang nakabase sa United Kingdom.

Una nang nagpahayag ng pagkundena ang mga residente, upisyal sa barangay ng Oyao, ang sangguniang bayan at Diocese ng Bayombong.

Naglunsad rin ng protesta ang mga taong simbahan at mga residente sa labas ng St. Anne Parish noong Setyembre 12. Sa parehong araw, ay naglunsad ng huwad na public forum ang Woggle Corporation na siyang tinawag ng mga residente na nakaiinsulto at hindi totoong konsultasyon.

Nananawagan naman ng konsultasyon ang mga residente ng Barangay Inaban sa Setyembre 21, sa mga myembro ng Sangguniang Bayan, kay Bise Meyor Ric Ronelson Asuncion at kay Representative Timothy Cayton upang sagutin ang mga katanungan ng mga residente hinggil sa planong eksplorasyon. Anila, kung walang upisyal ang dadalo sa aktibidad, susugod sila sa munisipyo para doon ihahapag ang kanilang mga tanong.

Source link