Nagpaabot ng pakikiramay at rebolusyonaryong pakikiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ang buong kilusang rebolusyonaryong Pilipino sa mamamayan ng Venezuela matapos tamaan ang bansa ng dalawang magkasunod na malalakas na lindol noong Hunyo 24.
Sa isang pahayag na inilabas noong Hunyo 25, ipinarating ni Marco L. Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng Partido, ang matatag na pakikiisa at suporta ng rebolusyonaryong pwersa sa Pilipinas sa mamamayan ng Venezuela sa kanilang pagbangon mula sa matinding sakuna.
“Kasama ninyo kami sa inyong pakikibaka na makabangon at muling maitayo ang mga nawasak mula sa trahedya. Ipinapaabot namin ang aming pakikiisa sa inyong pagbangon mula sa mga guho, habang patuloy ninyong nilalabanan ang umiigting na imperyalistang panggigipit ng US sa inyong kabuhayan, pulitika, at militar para agawin ang inyong langis at soberanya,” ayon kay Valbuena.
“Inspirasyon sa amin ang pagkakaisa, kolektibong katatagan, at determinasyon ng mamamayang Venezuelan habang hinaharap nila ang likas na kalamidad na ito na resulta ng pinsalang dulot ng deka-dekadang imperyalistang sangsyon, pandarambong, at agresyon ng US sa Venezuela,” ayon sa pahayag na inilabas ng NDFP International Office noong Hunyo 28.
Niyanig ng malakas na lindol ang hilagang-gitnang bahagi ng Venezuela, kabilang ang kabiserang Caracas at ang rehiyon ng La Guaira, noong hapon ng Hunyo 24. Ayon sa mga ulat, naganap ang dalawang magkasunod na lindol na may lakas na magnitude 7.2 at magnitude 7.5 sa loob lamang ng 39 segundo. Dahil sa pagiging mababaw ng pinagmulan ng lindol sa San Sebastián fault system, gumuho ang maraming gusali at ospital, nawalan ng suplay ng kuryente at komunikasyon ang milyong katao.
Sa pinakahuling ulat nitong Hunyo 30, umaabot na sa 1,719 indibidwal ang nakumpirmang nasawi, higit 5,000 ang nasugatan at 46,600 ang hindi pa natatagpuan at hinahanap sa mga gumuhong gusali. Higit 12,000 ang nawalan ng matitirhan at tinatayang nasa 15,866 na pamilya ang direktang naapektuhan ng lindol.
Kasabay nito, mariing kinundena ng PKP ang mabilis na pagsagpang ng US sa trahedya para magpwesto ng mga tropa sa loob ng Venezuela. Noong gabi ng Hunyo 25, lumapag sa Caracas si Marine Corps Maj. Gen. Kevin J. Jarrard upang direktang pamunuan ang operasyon ng militar ng US sa bansa. Kasabay nito, ipinadala ng US Southern Command ang mga barkong pandigma na USS Fort Lauderdale at USS Billings sa karagatang sakop ng Venezuela, kasama ang mga dambuhalang transport aircraft na C-17 Globemaster at C-130 Hercules.
Ipinasok ng US ang mga tropa nito sa tabing ng “humanitarian relief” o makataong tulong. Ang mga tropa ring ito ang sumalakay sa Caracas noong Enero 3, at dumukot sa presidente ng Venezuela na si Nicolás Maduro at asawa niyang si Cilia Flores. Ito ang tinatawag ng Pentagon na Operation Southern Spear.
“Kamuhi-muhi ang paggamit ng US sa kalamidad at ‘makataong mga rason’ para ipwesto ang mga tropa, barko at sasakyang panghimpapawid sa loob ng Venezuela laluna sa harap ng matagal na panahon ng nagpataw ito ng mararahas na sangsyon na puminsala sa ekonomya at pag-unlad ng bansa,” ayon kay Valbuena.
Ang mga sangsyon na ito, at iba pang mapamilit na hakbang ng US, ay pumwersa na sa gubyerno ng Venezuela na sundin ang mga dikta ni Trump.
“Ang layunin ng patuloy na panghihimasok ng US sa Venezuela ay upang payagan ang walang-sagkang akses sa malalaking reserba ng langis ng bansa na patuloy na nagpopondo sa libreng sistema ng pangangalagang pangkalusugan, edukasyon, at iba pang pangunahing serbisyong panlipunan kabilang ang pagtugon sa kalamidad,” ayon sa NDFP International Office.
Nanawagan ito sa lahat ng mga rebolusyonaryong kilusan, pambansang pakikibaka para sa pagpapalaya, progresibong pwersa, at organisasyong anti-imperyalista sa buong mundo na manindigan kaisa ng mamamayang Venezuelan sa kritikal na panahong ito.











