Ang Bayan Ngayon » Kabataang magsasaka sa Northern Samar, pinaulanan ng bala ng 43rd IB

Pinagbabaril ng mga sundalo ng 43rd IB na nagsasagawa ng focused military operations ang isang kabataang magsasaka sa Barangay Caputoan, Las Navas, Northern Samar noong Hunyo 13 ng umaga. Nagpasabog rin ang mga sundalo ng tatlong bala ng M203 grenade launcher. Ang kabataang magsasaka ay kinilalang si Olid Yanay, residente ng Barangay Paco.

Ang kabataang si Olid ay bahagi ng pamilyang Yanay na malaon nang ginigipit at tinutugis ng militar sa paratang na mayroong kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan. Tinarget ng militar ang kanyang ama, tiyuhin at mga pinsan sa nakaraan.

Pinalalabas ng mga sundalo ng 43rd IB na engkwentro sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang naganap. Walang batayang paratang nito na mismong ang ama ni Olid na si Dandan ang namaril sa kanila. Pinasubalian ng BHB-Northern Samar (Rodante Urtal Command) ang pahayag ng militar at kinundena ang karahasan laban sa pamilyang Yanay.

Ayon sa mga ulat, isa mismo sa mga sundalo ang sumigaw at nakabatid na ang kabataang si Olid na kanilang nakasalubong sa kagubatan ay isang sibilyan. Sa kabila nito, nagpatuloy ang mga tropa sa pangraratrat. Nakatakbo papalayo at nagtago ang biktima dahil sa takot.

Pagkatapos ng pangyayari, hindi tinantanan ng mga sundalo at ipinailalim sa interogasyon ang mga kapatid ni Dandan. Bilang protesta, inulat ng anak ng isang kapatid ni Dandan sa social media ang panggigipit sa kanilang pamilya. Dahil dito, pinutol ang pampublikong wifi sa Barangay Paco.

Source link