Mga protesta

 

Paglipat ng kulungan kay Jovito Palparan, kinundena. Nagtungo sa Korte Suprema noong Hunyo 15 sina Erlinda Cadapan at Concepcion Empeño, mga ina ng nawawalang aktibistang sina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño, upang igiit na isiwalat ang kinaroroonan ng dating heneral na si Jovito Palparan. Si Palparan ay nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo nang walang parole noong 2018 sa kasong kidnapping at serious illegal detention laban sa dalawa. Kinuwestyon ng mga ina, katuwang ang Karapatan, ang pagkawala ni Palparan mula sa New Bilibid Prison matapos ibalik ang mga legal notice na may markang “transferred to BuCor-Baguio” at “PMA Baguio.” Ayon naman sa NBP, nasa “ospital” lamang umano siya.

Mga mangingisda ng Navotas City, muling nagprotesta kontra reklamasyon. Muling nagprotesta sa Navotas City ang mga mangingisda noong Hunyo 8 bilang paggunita sa World Oceans Day at pagkundena sa mga proyektong reklamasyon sa Manila Bay. Pangunahing binatikos ng Pamalakaya-Navotas ang 650-ektaryang Navotas Coastal Bay Reclamation Project na itinutulak ng lokal na gubyerno at Argonbay Construction, subsidyaryo ng San Miguel Corporation. Ayon sa grupo, isinasapanganib ng proyekto ang kabuhayan, karapatan, at buhay ng mga residente, kasama ang banta ng pagpapalayas, pagbaha, at pagkawasak ng kalikasan.

Hustisya para sa namatay na mga estudyanteng basketbolista ng ADMU, ipinanawagan. Naglunsad ng walkout ang mga estudyante at guro ng Ateneo de Manila University (ADMU) sa Quezon City noong Hunyo 19 upang ipanawagan ang hustisya sa pagkamatay ng dalawang basketbolista na sina Rene Baterbonia at Divine Adili. Nasawi ang dalawa matapos malunod sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8 sa gitna ng treyning at aktibidad ng tim sa basketbol. Nananawagan ang mga estudyante, guro at propesor ng ADMU sa administrasyon ng unibersidad na maging tapat sa publiko, panagutan ang nangyari, humingi ng paumanhin at bigyang hustisya ang pamilya ng mga biktima. Bago nito, naglunsad ng programa at nagtirik ng kandila ang mga progresibong grupo at estudyante noong Hunyo 10.

Pagpapalaya kay Mary Jane Veloso, muling ipinanawagan. Nagprotesta sa harap ng Correctional Institute for Women sa Mandaluyong Citya ang iba’t ibang grupo, sa pangunguna ng Migrante International, noong Hunyo 19 upang ipanawagan ang agarang paglaya ni Mary Jane Veloso. Ang pagkilos ay itinaon sa pagbibigay ni Veloso ng pahayag hinggil sa isinampa niyang kasong human trafficking, illegal recruitment at estafa noong 2015 laban sa kanyang rekruter. Ito ang unang beses na makapagbibigay siya ng kanyang testimonya.

The post Mga protesta appeared first on PRWC | Philippine Revolution Web Central.

Source link