Libu-libong Pilipino ang nagmartsa patungo sa embahada ng US sa Maynila noong Hunyo 12, ika-128 anibersaryo ng “Araw ng Kalayaan,” upang tuligsain ang patuloy na dominasyon ng imperyalismong US sa bansa. Sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), kinundena nila ang huwad na kalaayan, laluna sa harap ng paparami at sapin-saping war games, pagtatayo ng “Pax Silica hub,” at paglalagay ng mga base at armas ng US sa Pilipinas.
Daan-daang pulis ang sumalubong at humarang sa mga nagprotesta sa Kalaw Avenue. Ibinarikada sa kalsada ang mga alambreng tinik para pigilan ang martsa, subalit ito ay binaklas ng mga nagprotesta. Naglunsad sila ng programa sa lugar kung saan sila pinigilan ng pulis.
Sa Cavite, nagsagawa ng kilos protesta sa Kawit at Bacoor, kung saan tatlong beses tinangkang pigilan ng mga pulis ang mga raliyista. Binutas ng pinaghihinalaang ahente ng estado ang gulong ng mga sasakyan ng mga nagprotesta. Nagkaroon din ng mga pagkilos sa mga syudad ng Cebu, Iloilo, at Davao.
Kasabay nito, naglunsad ng mga protesta ang mga Pilipino sa ibayong dagat. Sa New York, lumahok sa parada ang grupong Bayan USA at Migrante USA bitbit ang mga panawagan na hustisya para sa mga caregiver at Negros 19. Sa California, nanawagan sila para sa pagpapalaya kay Kuya Richard sa Otay Mesa Detention Center. Nagkaroon din ng mga pagkilos sa Australia at Hong Kong, kung saan binatikos ang militarismo ng US at kawalan ng tunay na kalayaan sa Pilipinas.











