PRWC » Wakasan ang 128-taong paghahari ng Imperyalismong US sa Pilipinas! Isulong ang Pambansa-Demokratikong Rebolusyon!

Taon-taon na lamang na ipinagdiriwang ang Hunyo 12 bilang “Araw ng Kalayaan” ng Pilipinas mula sa kolonyalismong Espanyol. Ngunit hindi alam ng mas nakararaming mamamayan na ang Hunyo 12, 1898 ay araw nang isinuko ng mga taksil sa rebolusyon ang Pilipinas sa imperyalismong US.

Nagpupugay ang National Democratic Front-Laguna (NDF-Laguna) sa lahat ng mamamayan na walang humpay sa pagtuligsa, imbis na ipagdiwang ang Hunyo 12 bilang “Araw ng Kalayaan”. Tunay na huwad na kalayaan ang Hunyo 12 at nararapat itong itakwil at kundenahin sa panloloko sa sambayanang Pilipino.

Deka-dekada na ang lumipas mula nang ipagkanulo ng Gobyerno ng Pilipinas ang ating bansa kung saan tigas-mukhang itinaas ang bandila ng Pilipinas ng liberal burges na lideratong Hen. Aguinaldo, tinalikuran ang kolonyalismong Espanyol, subalit ay yumukod at yumakap naman sa bagong kapangyarihan ng imperyalistang US na mas ganid at halimaw. Dahil kapos sa kaalamang pulitika, hindi alam ng palasukong mga Heneral na binenta na ng Espanya ang Pilipinas sa Amerika sa halagang $20,000 lamang. Itinuturo ng kasaysayan na ang liberal burges na tulad ni Aguinaldo ay walang kakayahang mamuno at siya pang nagsasadlak sa kapariwaraan ng sambayanan.

Sa kasalukuyan, mas masahol pa ang panloloko at pagsasamantala ng mga reaksyonaryong naghaharing uring panginoong maylupa, malalaking burgesya kumprador at burukrata-kapitalista. Sila rin ang mga nakaluklok sa kapangyarihan at magkakasabwat sa pangungurakot at pagnanakaw sa kaban ng bayan. Garapalan at walang kahihiyan, sila ay nagkakagulo sa pag-aagawan sa kapangyarihan upang maprotektahan at mapalaki pa ang nakaw na yaman. Walang kahihiyang tango nang tango ang mga ito sa kagustuhan ng kanilang among imperyalismo dahil sabay silang nabibiyayaan sa pagsasamantala’t pang-aapi sa mamamayang Pilipino.

Kaya nananawagan ang NDF-Laguna sa lahat ng mamamayang Lagunense na maging mulat sa pag-alam, mapagbantay at makialam sa bawat isyu at mga usapin sa ating lipunan. Ipagtanggol ang karapatan ng mamamayan sa pagpapahayag, pag-oorganisa, at pagpapasya sa sarili.

Lubos na itinataguyod ng NDF-Laguna ang isinisigaw ng daan-daang libong mamamyan na alisin, panagutin, at pabagsakin ang mga kurakot, at kriminal sa pamunuan ng gubyerno. Kailangan na magpunyagi at determinado ang lahat ng lihim na alyadong organisasyong masa ng NDF-Laguna na kamtin ang pinakamalawak na pagmumulat, pag-oorganisa at pagpapakilos sa hanay ng masa upang likhain ang dambuhalang lakas ng mamamayan na magbabaon sa mga naghaharing uri na mapagsamantala at mapang-api sa burak ng kasaysayan.

Kailangan nang wakasan ang 128-taong panggagahis at pang-aalipin ng imperyalismong US sa Pilipinas. Tupdin ang turo ng Rebolusyong Pilipino ng 1896 na sa pamamagitan ng isang armadong himagsikan lamang mangyayari ang pagbabago ng kasaysayan.

Sa kasalukuyan, tungkulin ng rebolusyonaryong kilusan sa pamamagitan ng BHB na may absolutong pamumuno ng Partido, na isulong ang matagalang digmang bayan upang ibagsak ang papet na Republika ng Pilipinas at pigtasin ang kadena ng Imperyalismong US.

Palawakin at patatagin ang mga lihim na alyadong organisasyong masa!

Ibagsak ang Imperyalismo, Pyudalismo at Burukrata-kapitalismo!

Isulong ang pambansa Demokratikong Rebolusyong Bayan!

Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

Source link