Kinundena ng Karapatan Bikol at Defend Bicol: Stop the Attacks Network ang pagpaslang ng 31st IB kay James Quinones, 24 anyos, manggagawa, noong Marso 24 sa Barangay Juan Adre, Donsol, Sorsogon.
Naghahanap noon si Quinones ng bangka na bibyahe papunta sa sentrong bayan upang dumalo sa moving up ceremony ng kanyang anak na nasa pre-kinder. Una nang pumunta sa sentro ang kanyang asawa at anak. Ayon sa ulat residente, narinig nila ang mga putok ng baril bandang alas-7 ng umaga, sa bahaging dalawang bundok ang layo mula sa kanilang baryo. Bumalik pa si Quinones sa kanilang bahay upang kamustahin ang kanyang pamilya. Muli syang nagpunta sa baybayin upang mag-abang ng bangka. Habang nasa tabing ilog siya ay muling umalingawngaw ang putok ng mga baril na nagmula sa pwesto ng isang grupo ng mga sundalo na naroon sa lugar. Dito natagpuan si Quinones na tadtad ng bala. Ayon sa mga saksi, anim na bala ang tumama sa kanya.
Pinalalabas ng militar na tinamaan ng ligaw na bala si Quinones.
“Parang hayop na pinatay ang anak ko. Hindi ligaw na bala iyon…tadtad ng bala ang anak ko,” pahayag ni Lorna Quinones, ina ni James.
Nananawagan ng hustisya ang pamilya ni Quinones at pag-alis ng mga mga sundalo sa kanilang barangay.
Fact finding mission
Noong Abril 4, naglunsad ng fact finding mission (FFM) ang 5-kataong tim mula sa Karapatan -Bikol, Karapatan Sorsogon at Anakpawis-Bikol sa Barangay Juan Adre upang imbestigahan ang insidente at kumustahin ang pamilya.
Ayon sa grupo, kapansin-pansin ang presensya ng militar sa health center, lumang kulungan at day care ng barangay. Wala ang pamilyang Quinones sa lugar sa araw na iyon kaya nagpasya ang tim na umalis na muna sa lugar. Habang palabas ng komunidad, hinarang sila ng mga sundalo. Pinag-logbook sila at isa-isang ininteroga sa magkakahiwalay na lugar. Pinilit sila na pumirma sa dokumento na nagsasabing hindi sila sinaktan ng mga sundalo. Pagkapirma ay kinunan sila ng litrato na hawak ang dokumento. Ang isang myembro ng Anakpawis ay pinabukas ang kanyang wallet at selpon at kinunan ng litro ang laman. Umabot ng halos limang oras ang insidente.
Mariing kinundena ng grupo ang insidente. Anito, ang pangyayari ay tahasang pagsagka sa layunin ng FFM at direktang pagpapakita ng lantay na abusong militar sa mga mamamayan sa Bikol. Nananawagan din ang grupo sa Commission on Human Rights at lahat ng ahensya na maglunsad ng independyente at tapat na imbestigasyon sa pamamaslang kay Quinones.











