PRWC » Isulong ang interes ng bayan sa gitna ng burukrata-kapitalistang ribalan

Tanda ng bagong antas ng pag-igting ng tunggalian ng magkakaribal na paksyon ng naghaharing uring mga burukratang kapitalista ang sunud-sunod at magkakaugnay na pangyayari nitong nagdaang linggo: ang impeachment o pagsasakdal ng Mababang Kapulungan laban kay Vice President Sara Duterte at pagsisimula ng paglilitis sa Senado, ang kudeta sa Senado kaakibat ang paglitaw ni Sen. Bato dela Rosa, at muli niyang paglaho para takbuhan ang mandamyento de aresto ng International Criminal Court (ICC).

Nagmistulang mga payaso at sirkero ang mga pulitikong nagpatambling-tambling at nagpabalu-baluktot sa naganap na mga maniobra, kontra-maniobra at salpukan. Matapos ang anim na buwang pagtatago, biglang nagpakita si Sen. dela Rosa para makabuo ng bagong mayorya at magluklok ng bagong pamunuan. Subalit sa harap ng banta na siya’y hulihin at dalhin sa The Hague, matapos isapubliko ang mandamyento na inilabas ng ICC laban sa kanya, dali-dali na muli siyang nagtago sa kung saang lungga.

Ang pagbabago ng liderato sa Senado ay pinaniniwalaang bahagi ng plano na idiskaril ang paglilitis kay Sara Duterte. Isinakdal ang bise presidente sa paglustay sa ₱500 milyong “confidential funds,” sa hindi maipaliwanag na paglaki ng kanyang personal na yaman at iba pang kaso. Malaking mayorya (257 boto) ng Mababang Kapulungan ang pumabor sa kasong impeachment, ikalawang beses sa loob ng mahigit lamang isang taon. Hindi katulad sa una, maagap ngayong binuo ng Senado ang korteng didinig kay Duterte, kahit wala pang linaw kung saan ito hahantong.

Tiyak na magpapatuloy pa sa mga darating na linggo ang kasalukuyang kabanata ng tunggaliang ito ng mga nagriribalang paksyon, at tiyak na iigting at tutungo sa bagong mga salpukan sa hinaharap habang nalalapit ang eleksyong 2028. Puspusan ang pagtulak ng kampong Marcos at iba’t ibang partido na mapatalsik si Sara Duterte mula sa pwesto at masagkaan ang kanyang pagtakbo bilang presidente.

Ang sigalot na ito ng mga Marcos at Duterte ay salamin ng maigting at maya’t maya’y marahas na tunggalian ng mga nagriribalang paksyon ng mga naghaharing uri—mga burukratang kapitalistang nag-uunahan sa pagpapayaman sa kapangyarihan. Painit nang painit ang sigalot na ito sa harap ng tumitinding pagdausdos ng ekonomya ng sistemang malakolonyal at mala- pyudal.

Paliit nang paliit ang ganansya sa poder na maaaring mahinahong paghatian at pagsaluhan ng mga burukratang kapitalista, dahilan na tumutungo sa pag-aagawan at salpukan ang kanilang katakawan para sa yaman at kapangyarihan. Oras na makaupo sa poder, nagdadaigan sila sa bilis at laki ng kinukurakot sa kaban ng bayan, habang nagpapagalingan sa pagmamalinis sa harap ng taumbayan. Lalong nagiging garapalan at malakihan ang korapsyon at pandarambong ng mga burukratang kapitalista.

Habang nagpapakasasa sa yaman at nag-aagawan sa poder ang mga burukratang kapitalista, lugmok naman ang malawak na masa ng sambayanan sa kahirapan at sa araw-araw na pagkayod para mabuhay. Sa nagdaang dalawang buwan, dumagdag sa pasanin ng taumbayan ang tuluy-tuloy na tumataas na presyo ng pagkain at mga batayang pangangailangan at singil sa mga batayang serbisyo. Kasunod ito ng panggegera ng US sa Iran na sinamantala ng mga sugapang kumpanya sa langis para isirit ang presyo ng diesel at gasolina at iba pang produktong petrolyo (50-100% na mas mataas kumpara sa ilang bansa sa Southeast Asia). Inaasahang tuluy-tuloy pang tataas ang presyo sa mga darating na buwan.

Sa gitna ng pagdarahop at pagkalam ng tiyan ng taumbayan, lalong nagagatungan ang kanilang poot sa rehimeng US-Marcos at mga burukratang kapitalistang wala na ngang ginagawa para ibsan ang kanilang paghihirap, ay dumadagdag pa sa kanilang pasanin. Matapos makipagkunsabahan sa mga kumpanya sa langis sa pagpapahirap sa taumbayan, kasuklam-suklam ang rehimeng Marcos na ginagawang pulubi ang mamamayang pinapipila sa pakitang-taong pamimigay ng ayuda at bigas, na sapat lamang para sa ilang araw.

Lalong namumuhi ang sambayanang Pilipino sa rehimeng US-Marcos at sa mga naghaharing uri sa harap ng kawalang pananagutan ng mga kurakot na nagbulsa ng bilyun-bilyong piso sa mga huwad at palpak na proyektong flood control na nalantad mula noong nakaraang taon, pati na sa ibang malalaking katiwalian sa gubyerno. Habang nilalapastangan ang karapatan at kagalingan ng mamamayang Pilipino, sunud-sunuran si Marcos sa mga dikta ng among imperyalistang US, sa planong pagbubukas ng 1,620-ektaryang “economic security zone” sa Pampanga at Tarlac para sa ekslusibong gamit ng mga kumpanyang Amerikano.

Dumadagdag pa sa kanilang galit ang patuloy na paghahasik ng rehimeng Marcos ng karahasan laban sa mamamayang nagbabangon at lumalaban para sa kanilang mga karapatan. Nakarugtong ito sa kanilang paghahanap ng katarungan para sa libu-libong biktima kapwa ng gera kontra droga at ng pampulitikang panunupil sa mga organisasyong masa.

Sa harap ng krisis sa ekonomya, lalong lumalakas ang sigaw ng malawak na masa para sa nakabubuhay na sahod, hanapbuhay at seguridad sa trabaho, reporma sa lupa, pagbaba ng presyo ng mga bilihin at rolbak sa presyo ng langis, karapatan sa pabahay, at iba pang mahigpit na demokratikong kahingian.

“Marcos Singilin, Duterte Panagutin” ang patuloy na sigaw ng taumbayan. Karugtong dito ang panawagang ituloy ang paglilitis kay Sara Duterte para panagutin siya sa kanyang mga krimen. Nakarugtong din ang sigaw na arestuhin at litisin sa ICC si Bato dela Rosa at iba pang kasabwat ni Rodrigo Duterte sa madugong gera sa droga. Nakakawing din ang sigaw na panagutin si Marcos at kanyang mga upisyal sa bilyun-bilyong pisong ibinulsa sa mga proyektong flood control at iba pang malalaking katiwalian.

Lubhang dismayado ang taumbayan sa garapalang pagpapakasasa ng ilan sa bulok na gubyerno at pagpapahirap ng malawak na masa ng sambayanan. Nagriribalan man ang mga burukratang kapitalista, nagkakaisa silang lahat sa pagtatanggol sa sistemang nagpapahirap sa taumbayan.

Hindi nagsasawa ang taum-bayan na singilin at panagutin ang mga burukratang kapitalista at pasista sa kanilang mga krimen at pagpapahirap sa masa ng sambayanan. Dapat puspusang ipabatid sa sambayanan na walang maaasahang ganap na katarungan ang bayan sa ilalim ng naghaharing reaksyunaryong estado, na mula’t sapul, ay kanlungan ng mga pasista at magnanakaw sa kaban ng bayan.

Malaking hamon sa mga pwersang pambansa-demokratiko na masugid na maggawaing masa, upang itaas ang kamulatan at pag-unawa ng bayan sa makasaysayan at panlipunang ugat ng korapsyon sa bansa. Huwag magpatumpik-tumpik at ubos-kayang magpropaganda sa masa, buuin ang kanilang mga organisasyon, at palakasin ang kanilang lihim na rebolusyonaryong pagkilos. Palakasin ang sigaw na wakasan ang burukratang kapitalismo, imperyalismo at pyudalismo, at isulong ang pambansa demokratikong pagbabago.

Source link