Ang Bayan Ngayon » Pagtaas ng presyo ng abono, ikinabahala ng mga magsasaka

Kinundena ng Amihan Amihan National Federation of Peasant Women ang patuloy na pagtaas ng presyo ng abono at iba pang gastusin sa pagsasaka. Anito, dagdag na pasanin na naman ito ng mga magsasakang bugbog na dahil sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis na ginagamit din sa pagsasaka.

Sa kasalukuyan, umaabot na sa ₱2,300-₱2,400 kada bag ang Urea mula sa ₱1,600-₱1,700 noong katapusan ng Pebrero, o katumbas ng 44% na pagtaas. Samantala, ang Triple 14 ay tumaas mula ₱1,600-₱1,700 kada bag tungong ₱1,900, na may posibilidad na higit pang tumaas. Dahil dito, dumoble ang gastos sa abono kada ektarya. Mula sa ₱6,400 para sa apat na bag ng Urea noong Pebrero, umaabot na ito ngayon sa ₱9,200 o dagdag na ₱2,800. Pinalalala pa ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel, na mula ₱50.48 kada litro noong unang bahagi ng Marso ay umabot na sa ₱120 kada litro sa malalayong prubinsya.

Sa kabuuan, tinatayang nasa ₱60,000-₱70,000 na ang gastos sa produksyon kada ektarya. Dahil sa kakulangan ng suporta, napipilitan ang maraming magsasaka na umutang sa mataas na interes na sinasamantala naman ng usurero sa kanayunan na lalong nagpapalubog sa kanila sa utang, paliwanag ng grupo.

“Walang ibang dapat sisihin sa krisis na nararanasan ng mga magsasaka ngayon kundi si Marcos dahil sa pagiging inutil niya. Puro pambobola at mumong subsidy ang binibigay sa mga magsasaka samantalang siya ang may pakana nito,” pahayag ni Cathy Estavillo, pangkalahatang kalihim ng Amihan at tagapagsalita ng Bantay Bigas.

Ayon sa grupo, kailangang agarang tugunan ng gubyerno ang lumalalang sitwasyon ng mga magsasaka at agrikultura. Kabilang dito ang pagbibigay ng ₱50,000 subsidyong pamproduksyon para makaagapay ang mga magsasaka sa tumataas na gastos sa produksyon.

Nanawagan din ang grupo ng mas mahigpit na regulasyon sa presyo ng mga farm inputs at pagrollback ng produktong petrolyo, gayundin ang pagpapaunlad sa lokal na produksyon para labanan ang epekto ng importasyon at iba pang neoliberal na patakaran sa agrikultura.

Source link