Naglunsad ng isang National Fact-Finding and Solidarity Mission (NFFSM) ang iba’t ibang grupo sa Barangay Salamanca, Toboso, Negros Occidental noong Mayo 14 para imbestigahan ang naganap na masaker sa Toboso noong Abril. Hindi bababa sa 117 delegado ang lumahok sa misyon na binubuo ng mga lokal at dayuhang tagapagtanggol ng karapatang-tao, mambabatas, aktibista, taong-simabahn, lider-estudyante at mamamahayag.
Ang misyon ay naisagawa sa pagpapaunlak ng mga grupo mula sa Negros Island, sa pangunguna ng Manindigan-Negros. Layunin nitong imbestigahan at bigyang-linaw ang mga pangyayari na humantong sa madugong masaker sa 10 mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at siyam na hindi armadong mga indibidwal noong Abril 19 sa Barangay Salamanca.
Sa laki at lapad ng delegasyon, hindi ito nagpatinag sa matinding militarisasyon at panggigipit ng militar sa Toboso at buong isla. Natulak nito ang mga lokal na gubyerno at upisyal na pahintulutan ang aktibidad. Sinuportahan at binasbasan rin sila ni San Carlos Bishop Gerardo Alminza. “Ang inyong lakas ng loob na hanapin ang katotohanan sa gitna ng takot at pananakot ay isang kongkretong patunay na mahalaga pa rin ang katotohanan, katarungan, at kapayapaan,” pahayag niya.
Manera ng NFFSM
Partikular na tinungo ng delegasyon ang Sityo Sinugmawan at Sityo Plaringding kung saan sinasabing narinig ng mga residente ang mga putok ng baril. Nagsagawa sila ng mga focused group discussions at pagbabahay-bahay para makapanayam ang mga residente. Nakausap nila ang hindi bababa sa 30 mga residente na anila ay maituturing na mga “susing impormante” dahil mayroon silang pangunahing karanasan sa mga pangyayari.
Ayon sa mga residente, una nilang narinig ang pagpapaputok ng baril ng bandang alas-3 ng madaling araw na sinundan ng pana-panahong pamamaril hanggang alas-7 ng umaga Sinugmawan. Sa umagang iyon, dumanas ng panggigipit ang mga residente mula sa mga sundalo nang “bisitahin at halughugin” ang hindi bababa sa 18 kabahayan sa paghahanap sa sinasabing mga mandirigma ng BHB.
Sa Sityo Plaringding, ibinahagi ng mga residente na nakarinig sila ng sunud-sunod na mga putok ng baril sa pagitan ng alas-9 hanggang alas-11 ng umaga. Ang iba ay nakarinig pa ng mga putok hanggang alas-4 ng hapon. Isinalaysay din nila ang pagdakip ng 79th IB sa isang ina at anak na lalaking 14-taong gulang na papunta sa palaisdaan para manguha ng shellfish. Habang nasa kostudiya ng militar, dinala umano ang mag-ina sa isang burol kung saan sila ipinailalim sa interogasyon. Nasaksihan ng mag-ina mula dito ang walang patumanggang pamamaril ng mga sundalo sa palaisdaan.
Sapilitang pinalikas ng 79th IB ang 653 indibidwal mula sa komunidad mula Abril 19 hanggang Abril 22. Dahil dito, walang nakapanayam ang delegasyon na makapagpapatunay sa pahayag ng 79th IB na nagkaroon ng matinding labanan sa palaisdaan kung saan sinasabing natagpuan ang mga bangkay ng 19 na minasaker.
Kumpirmadong mga sibilyan
Napatunayan ng delegasyon sa mga panayam na hindi bababa sa anim sa 19 na mga minasaker ay mga sibilyan. Ayon sa mga residente, personal nilang nakasalamuha ang lider-estudyanteng si Alyssa Alano, mga organisador ng magsasakang sina Maureen Santuyo at Errol Wendel, mamamahayag na si RJ Ledesma, at mga Filipino-American na aktibistang sina Kai Sorem at Lyle Prijoles. Anang mga residente, ni minsan ay hindi nila nakitang may dala-dalang armas ang anim sa kanilang pagtuloy sa komunidad.
Ipinaliwanag rin ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) ang presensya ng anim sa Barangay Salamanca. Ayon sa grupo, ipinadala sina Santuyo at Errol Wendel sa barangay para tumulong sa pag-oorganisa at pagbuo ng panlipunang pagsisiyat at pag-aaral sa kalagayan ng mga magsasaka at manggagawang-bukid, sa partikular sa Hacienda Bedonia. Ganoon rin ang layunin ng iba pa nilang mga kasama.
Ang Hacienda Bedonia ay isang malinaw na larawan ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala sa Pilipinas. Saklaw ng asyenda ang 18 ektarya ng lupa na binubungkal ng 16 na pamilya ng manggagawang-bukid na matagal nang dapat ipinagkaloob sa kanila. Ayon kay Ariel Casilao, isa sa mga delegado ng misyon at tagapangulo ng UMA, bago ang masaker ay naiulat pa sa kanila ng mga nananaliksik na patuloy na ipinagkakait sa mga magbubukid ang lupa.
Ang naturang asyenda ay patuloy na inaangkin ng panginoong maylupa sa kabila nang kawalan ng sapat na dokumento nito. Ito rin umano ang mga dahilan kung bakit binuo noon sa komunidad ang Hacienda Bedonia Farmers and Farmworkers Association na myembro ng UMA.
Pahayag ni Casilao, ang kalagayan ng asyenda ang nagpapatunay na bigo at huwad ang mga reporma sa lupa ng gubyerno. Aniya, 18% ng farm holdings sa isla ay buung-buong pag-aari ng iilang nga asendero, panginoong maylupa at mga plantasyo at korporasyong agribisnes, kapwa lokal at dayuhan. Nananatili umanong walang kontrol, pag-aari at pusisyon sa kanilang lupa ang mga magsasaka. Sa buong isla, naitala ng UMA ang 38 kaso ng pangangamkam ng lupa.
Paliwanag pa ng UMA, hindi dapat ipagtaka kung bakit nasa erya o nasa malapit na lugar ang BHB sa mga nananaliksik. Ayon kay Casilao, nangangahulugan lamang umano at batid maging ng masang Negrosanon na kung saan may problema sa lupa ay naroon rin ang hukbong bayan na tumutulong sa mga magsasaka.
“Kaiba lang ang manera ng pagtulong nila: armado sila,” aniya. Pagdidiin niya, ganoonman, dapat ay malinaw ang pag-iiba ng estado sa mga sibilyan at sa armadong mga kombatant ng BHB. Nakasaad ang mga alituntuning ito sa internasyunal na makataong batas, at partikular ring nakasulat sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Isa itong kasunduang pinirmahan ng mga panel sa negosasyon ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines noong Marso 16, 1998 sa The Hague, The Netherlands na partikular na nakatuon sa mga eryang maryoong armadong sigalot.
Anu-ano ang mga krimen ng 79th IB?
Inilahad ng National Union of People’s Lawyers ang mga posibleng krimen ng 79th IB sa naganap na masaker sa Toboso. Sa pamamagitan ng mga naisadokumentong testimonya ng mga saksi, lalong napatunayan ng delegasyon na patung-patong ang paglabag ng mga sundalo sa karapatang-tao. Kabilang dito ang paggamit ng mga sundalo sa mga bahay-sibilyan, panggigipit at pananakot sa mga residente, paghihigpit sa mga gawaing pagsasaka, walang-patumanggang pamamaril malapit sa mga kabahayan, iligal na pagkulong, at ang paggamit sa isang magsasaka bilang panangga o human shield.
Napatunayan din ng delegasyon na mayroong “evidence tampering” o paggalaw at pagtatanim ng mga ebidensya para palabasing totoo ang naratibong ipinakakalat ng 79th IB. Kabilang na dito ang mga armas at kagamitang pandigma na pinalalabas ng militar na nakumpiska sa katauhan ng mga biktima. Dagdag rin dito ang ulat ng forensic pathologist na si Dr. Fortun kamakailan na tatlo sa limang ipinailalim sa autopsy ay mayroong mga tama sa likod ngunit sa mga larawan ng bangkay na ipinakalat ng militar ay pawang nakatihaya ang mga ito.
Tinukoy ng delegasyon bilang malubhang krimen sa digma at internasyunal na makataong batas ang paglapastangan ng mga sundalo sa mga bangkay ng biktima. Dalawang araw na iniwan ng mga sundalo sa tirik ng araw at nakababad sa tubig ng palaisdaan ang mga bangkay at “nirekober” lamang noong Abril 21. Mali pa ang ibinigay na bangkay sa pamilya ni Errol Wendel.
Samantala, nakaranas ng tahasang panggigipit ang delegasyon mula sa mga pwersa ng estado. Binuntutan ng mga sundalo ang mga tim na nagsagawa ng imbestigasyon at kinuhaan sila ng mga litrato. Dumagsa rin ang mga sundalo ng 79th IB sa Barangay Salamanca noong Mayo 13, isang araw bago ang misyon. Isang Amerikanong delegado naman na si Pastor Sadie Stone, myembro ng International Coalition for Human Rights in the Philippines (ICHRP), ang pinigilang makapasok sa Pilipinas sa pagdadahilang “blacklisted” siya sa bansa sa paglahok sa pampulitikang aktibidad noong 2016.
Panawagan ng delegasyon ang pananagutan sa 79th IB at 303rd IBde, kasabay ng pagwawakas sa militarisasyon sa Negros Island. Iginigiit nila ang hustisya sa mga minasaker at sa lahat ng pamilya ng biktima.











