Ang Bayan Ngayon » Mga Pilipinong manggagawa, lumahok sa potesta ng mga migrante sa Taiwan

ahigit 1,0000 migranteng manggagawa mula sa iba’t ibang unyon at mga taga-suporta ang nagprotesta noong Disyembre 7 sa Ministry of Labor sa Taipei, Taiwan. Nanawagan ang mga unyon ng pagbasura sa batas na naglilimita sa taon ng pananatili ng isang migranteng manggagawa sa bansa. Nanawagan din sila na kilalanin ang mga kasambambahay bilang manggagawa. Kinundena nila ang mapaniil na polisiya ng mga kumpanya, at hinimok ang ministriya na kilalanin ang karapatan ng mga migranteng manggagawa.

Kabilang sa lumahok sa pagkilos ang Migrante Taiwan, Serve the People Association–Taoyuan, Askey Labor Union / ASUS Group Labor Union, Taidoc Technology Labor Union, National Domestic Workers’ Union, Taiwan International Factory Workers Union at Factory Workers Association-Taiwan.

Sa pagkilos, tinalakay ng lider ng mga unyon hinggil sa kalagayan ng mga migrante sa Taiwan sa lenggwaheng Mandarin Chinese, Indonesian, Vietnamese, Ingles at Pilipino. Ang protesta ay paggunita din para sa International Migrants Day sa bansa.

Sa kasalukuyan ay nasa 850,000 ang migranteng manggagawa sa Taiwan. Nagsimulang tumanggap ang bansa ng mga migrante noong 1992.

Ayon sa Migrante-Taiwan, kasalukuyang nakapaloob sa 3-taong mga kontrata ang mga migranteng manggagawa. Ang kumpanya ang magtatakda kung i-renew nito ang kanilang mga kontrata o hindi. Sa kabuuan, ang migranteng manggagawa tulad ng sa konstruksyon at paggawaan, ay pwede lamang manatili sa bansa nang hanggang 12 taon, habang 14 na taon naman para sa mga kasambahay.

Kung nais ng manggagawa na mag-renew ng kontrata, kailangan niyang magbayad ng NT$18,000 (₱34,200) o mahigit pa, o umuwi sa Pilipinas para iproseso uli ang kanyang mga dokumento. Sa Pilipinas, obligado siyang magbayad ng NT$50,000 (₱95,000) para sa placement fee.

Ang mapang-abusong patakaran na ito ang ginagamit ng mga kumpanya upang pagsamantalahan, buwagin ang unyon at patahimikin ang manggagawa, tulad sa karanasan ng mga manggagawa sa Askey/ASUS at Taidoc.

Samantala, hindi saklaw ang mga kasambahay sa mga pangunahing proteksyon sa paggawa o ng Labor Standard Act. Dahil dito, bulnerable sila sa abuso tulad ng ng sobra-sobrang pagpapatrabaho. Sa kabila ng bigat ng kanilang trabaho, malayo agwat ng kanilang sahod (NT$20,000 o ₱38,000) sa sahod ng migranteng manggagawa (NT$33,000 o ₱62,700) sa bansa.

Nananawagan ang Migrante Taiwan sa Ministry of Labor para sa dignidad, katiyakan sa trabaho, totoong karapatan para sa mga manggagawa at pagbasura sa mga polisiya na nagtuturing sa mga migrante bilang ‘disposable’ o madaling ibasura.
___
*NT$1=₱1.9

Source link