Muling nagprotesta ang mga bilanggong pulitikal at iba pang preso sa Negros Occidental District Jail-Male Dormitory (NODJ-MD) sa Bago City, Negros Occidental noong Disyembre 3. Kinundena nila ang nagpapatuloy na malupit at hindi makataong pagtrato ng mga tauhan ng kulungan sa mga bilanggo sa pamumuno ni Warden Jsupt. Crisyrel Awe.
Iniulat ng mga bilanggo ang labis-labis na mga restriksyon, kolektibong pamamarusa, iregular at mapanganib na iskedyul ng pagpapaaraw, hindi sapat na pagkain at mga gamot, at pangangapkap sa mga bibisita sa kulungan na nagpahihiya sa kanila. Ang mga isyung ito ang parehong mga dahilan sa apat na araw na protesta at sama-samang pagkilos ng higit 600 bilanggo noong Agosto. Dahil sa naunang serye ng protesta, natulak na bumaba sa pwesto si Awe.
Noong Oktubre, muli siyang ibinalik sa pusisyon at nagpatuloy ang kanyang panunupil sa mga bilanggo. Kabilang dito ang arbitraryong pagbabartolina at panghaharas sa bilanggong pulitikal na si Lorenzo Perolino, isa sa mga negosyador para sa mga bilanggo sa mga panahon ng pagkilos. Noong Nobyembre 7, isang bilanggo ang namatay dahil sa mapanupil at mapang-aping mga patakaran ni Awe.
Para muling ipabatid sa publiko ang kanilang kalagayan, naglunsad ng fasting o hindi kumain ang mga bilanggo bilang protesta. Ayon sa mga detenido, magpapatuloy ang ayuno hanggang hindi nakakamtan ang hustisya.
Ayon sa Human Rights Advocates Negros (HRAN), ang mga patakarang ito na ipinatutupad ni Awe ay labag sa mga batas kabilang ang Anti-Torture Act of 2009 at ang Rights of Persons Arrested, Detained, or Under Custodial Investigation. Labag din ito maging sa internasyunal na mga pamantayan tulad ng United Nations 2015 Nelson Mandela Rules.
Sa inilabas na pahayag ng mga detenido, ang protestang ayuno ay pagpapatuloy ng kanilang laban para sa dignidad, hustisya, at pagiging makatao sa loob ng mga kulungan. “Hindi kami mapatatahimik. Lalaban kami. Igigiit namin ang pananaguan,” pahayag ng mga detenido.
Kasabay ng protesta ng mga detenido, naglunsad ng piket ang kanilang mga kaanak at pamilya sa harap ng Bureau of Jail Management and Penology-Negros Island Region (BJMP-NIR) sa Bacolod City. Nanawagan sila ng kagyat na aksyon mula kay Regional Director JCSUPT Brendan Fulgencio kaugnay ng lumulubhang kalagayan sa NOJD-MD.
Nagpahayag ng suporta sa laban ng mga detenido at kanilang pamilya si Bishop Gerardo Alminaza ng Diocese of San Carlos at presidente ng Caritas Philippines. Sumuporta rin sa laban nila ang Karapatan at Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA), grupo ng mga dating bilanggong pulitikal.
Ayon sa SELDA, ang protestang ayuno ay naglalantad sa struktural na inhustisya sa mga kulungan sa Pilipinas. “Matututo ang publiko mula sa pakikbakang ito para sa kagyat na mga reporma at proteksyon sa karapatang-tao sa loob ng mga pasilidad ng detensyon,” pahayag ng grupo.











