Ang Bayan Ngayon » Pagkilos laban sa COP30, inilunsad ng mga anti-imperyalistang grupo

Nagmartsa ang mga grupong anti-imperyalista mula Kalaw Avenue tungong embahada ng US sa Maynila noong Nobyembre 15 bilang pakikiisa sa Global Day of Action for Climate Justice. Bahagi ang pagkilos sa internasyunal na kampanya laban sa 30th Conference of the Parties o COP30 na ginaganap sa Belem, Brasil. Ang COP30 ay pagpupulong ng mga bansang nangakong kikilos para labanan ang climate change.

Pinangunahan ang pagkilos sa Pilipinas ng Youth Advocates for Climate Action Philippines (YACAP) and Peoples Rising for Climate Justice Youth (PRCJY).

“Kailangan nating kabataan na maglunsad ng mga militanteng aksyon tulad nito dahil malinaw na hindi kakamtin ng Conference of Parties at sarili nating mga korap na upisyal ang gusto nating climate justice,” pahayag ni Lukas Arzaga ng Yacap. Kada taon, aniya, pinaghaharian ang pagpupulong para sa climate change ng dambuhalang mga kumpanya sa langis at armas na silang nagtatakda ng mga patakaran pangklima. Ito ay habang nagdurusa ang mahihirap sa pinakamalalang epekto ng climate change, tulad ng mas matitinding bagyo at baha, na nagreresulta sa pagkamatay, pagkapinsala ng kabuhayan at iba pang kahirapan.

Lumahok din sa pagkilos ang mga katutubong Pilipino sa illaim ng Katribu. Naninindigan sila laban sa pandarambong ng mga imperyalistang kumpanya sa kanilang mga lupang ninuno na nagreresulta sa pagtindi ng krisis sa klima.

Nasa pagkilos din ang Philippines-Palestine Friendship Association (PPFA), na naninindigan kasama ang “lahat ng inaaping mamamyayan laban sa inhustisya, imperyalistang pandarambong at ecocide.”

“Umiinit ang mundo hindi lamang dahil sa tumataas na temperatura kundi pati sa mga bomba na lumalason sa lupa, mga baha na naglulunod sa mahihirap habang nagpapakasasa ang mayayaman,” pahayag ng PPFA.

Bahagi ang PFPA ng isasagawang internasyunal na People’s Tribunal sa karapatan maghimagsik ng mamamayang Palestino laban sa Zionistang okupasyon at gubyerno ng US. Gaganapin ang Tribunal sa Barcelona, Spain sa Nobyembre 22-23.

Para kay Mong Palatino ng Bagong Alyansang Makabayan, ang krisis sa klima at korapsyon ay “malinaw na magkaugnay, palatandaan ng isang nagnanaknak na sistema ng burukratang kapitalismo na pinalalago at pinananatili ng imperyalismo.”

Ilan sa mga kalahok sa protesta ay nagtanghal bilang mga biktima ng sakuna na balot ng putik. Simboliko nilang binato ng putik ang kanilang mga kasamahang gumanap bilang si Donald Trump, presidente ng US, at si Ferdinand Marcos Jr.

Internasyunal na pagkakaisa laban sa pandarambong

Ang protesta sa Pilipinas ay isa sa mahigit 100 pagkilos na bahagi ng Global Day of Action for Climate Justice.

Sa Asia, umabot sa 10,000 ang lumahok sa mga protesta sa mahigit 40 syudad sa India, Bangladesh, Pakistan at Nepal, liban sa Pilipinas.

Sa Africa, nagkaroon ng mga pagkilos sa Kenya, Zambia, Benin, Nigeria at Congo. Sa Europe, inilunsad ang mga protesta sa 16 syudad sa United Kingdom at Ireland.

Marami ring ang mga pagkilos sa US at Canada, kung saan ang pangunahing panawagan ang pagtigil sa paggamit ng fossil fuel tulad ng langis at karbon. Panawagan din ng mga nagpuprotesta ang pagbabayad-pinsala ng mga imperyalistang bansa tulad ng US sa winasak at dinambong nilang mga atrasadong ekonomya sa Asia, Latin America at Africa.

Sa Brazil mismo, nasa 70,000 katao mula sa iba’t ibang internasyunal na kilusan ang nagmartsa sa Belem para kundenahin ang kawalang pakundangan ng malalaking korporasyon sa pandarambong sa likas na yaman ng kabundukang Amazon.

Ilang araw bago nito, sinugod at matagumpay na napasok ng 200 katutubo ng aktibista mula sa Amazon ang Hangar Convention Center kung saan ginaganap ang COP30. Kinundena nila ang pag-etsapwera sa mga boses ng katutubo sa pagpupulong at pagtutulak ng kanilang gubyerno ng pagmimina sa kanilang lupang ninuno.

Source link