Ang Bayan Ngayon » Mga Pilipinong migrante sa Thailand, nanawagan ng agarang saklolo para sa mga biktima ng ‘scam-hub trafficking’

Nananawagan ang Migrante Thailand sa administrasyong Marcos na kagyat na aksyunan ang lumalalang krisis ng human trafficking ng mga Pilipino sa Myanmar at sa iba pang bansa sa Southeast Asia.

Batay sa datos ng estado, mula Oktubre 23 hangang 26, nasa mahigit 250 na mga Pilipinong biktima ng human trafficking ang nakaabot sa hangganan ng Thailand at kasalukuyang prinoproseso para makauwi sa Pilipinas. Marami pang Pilipino ang kasalukuyang nakakulong sa Myanmar. Kabilang sila sa mahigit 1,000 biktima ng human trafficking na may iba’t ibang nasyunalidad na hindi pa naililigtas.

Ayon sa Migrante Thailand, lubha silang nag-aalala at nababahala sa kalagan ng mga kapwa migrante na nabiktima ng trafficking. Nang may nag-ulat sa kanila hinggil sa kalagayan ng mga biktima, agad silang nag-organisa ng mga delegado para bisitahin ang Migrant Workers Office (MWO) sa Bangkok upang ipaabot ang suliranin ng kamag-anak ng mga biktima. Ngunit sa halip na pakinggan ay sinabihan sila na maghain ng pormal na rekwes sa pamamagitan ng e-mail dahil wala raw pwedeng mag-asikaso sa kanila.

“Sa gitna ng nangyayaring krisis, nakalulungkot na makita ang kawalang pakialam ng gubyerno sa pagdurusa ng mga migrante na biktima ng trafficking. Sa halip na magbigay ng tulong sa mga nangangailangan, tila mas pokus pa ang MWO sa pangongolekta ng mga ‘processing fees’ sa mga migrante,” pahayag ni Terry Carlo, tagapagsalita ng Migrante Thailand.

“Bagamat importante ang mga kampnya laban sa human trafficking at sa mga iligal na rekruter, lahat ng ito ay mananatiling walang silbi at mababaw hangga’t hindi tinutugunan ng rehimeng US-Marcos ang ugat ng kahirapan na nagtutulak sa mga Pilipino para maghanap ng alanganing trabaho sa ibang bansa. Hangga’t sumasandig ang gubyerno sa labor export program na nagpapahalaga sa remitans kaysa sa karapatan at kagalingan ng mga migrante, mananatili silang bulnerable sa pagsasamantala at pang-aabuso,” pahayag ni Carlo.

Source link