Kinundena ng Pasayeños for Justice and Accountability (PJA) ang iligal na detensyon ng tatlong residente na tinaguriang Wowee Market 3 ng Pasay City Philippine National Police.
Dinakip ang dalawang manininda at isang senior citizen na nagpuprotesta laban sa pagsasara ng merkado sa harap ng Pasay City Hall noong Marso 23. Ang mga manininda ay myembro ng Wowee Market Vendors Association. Nananawagan noon ang mga nagpuprotesta para sa agarang pagbubukas ng palengke na arbitraryong ipinasara ni Meyor Emi Calixto noong Disyembre 19, 2025.
Lampas 48 oras nang nakakulong ang tatlo kahit walang nakasampang kaso laban sa kanila.
Ayon sa PJA, tila plano ng Pasay LGU na paabutin hanggang semana santa ang detensyon ng mga biktima. Malinaw na labag sa batas ang pagdetine kanila at paraan para gipitin ang mga manininda.
“Ang hindi naiintindihan ng Pasay LGU, sa kada iniipit nila ang mamamayan, mas nag-aalab ang pagnanais nila (mga manininda at trabahador) na lumaban para sa kanilang karapatan,” pahayag ng grupo.











