Naglunsad ang mga estudyante sa Mindanao State University-Iligan Institute of Technology ng pagkilos sa Iligan City bilang pakikiisa sa mamamayang Palestino noong Oktubre 22. Tinawag nila itong KASAMA Palestine Solidarity Program at nilahukan ng mga estudyanteng myembro ng Kabataan Partylist-Iligan at ibang mga organisasyon at tagapagtanggol sa karapatang-tao.
Nagsimula ang pagkilos sa isang solidarity forum sa loob ng kampus kung saan pinag-aralan ng mga kalahok ang sistemikong pang-aapi sa mga Palestino at kanilang paglaban. Sinundan ito ng isang Solidarity Walk o martsa mula Rizal Park tungong MSU-IIT Peace Park. Dala ng mga kalahok ang mga balatengga na naglalaman ang panawagang “Pilipino at Palestino, sama-samang durugin ang imperyalismo” at “Stop the US war machine.”
“Magkasama naming pinagtitibay na ang laban para sa hustisya ay walang hangganan, at ang kada akto ng pakikiisa at pagkamulat ay nagpapalakas sa panawagan para sa kapayapaan at kalayaan,” pahayag ng mga estudyante.
Kasabay nito, nagpahayag din ang kabataan ng pagtutol sa korapsyon at katiwaliang nabunyag ngayon sa bansa. Nagtapos ang kanilang pagkilos sa isang maiksing programa.










