Ang Bayan Ngayon » Espesyal na trato ng DILG sa mga dawit sa katiwalian sa gubyerno, binatikos

Binatikos ng grupong Kapatid, organisasyong sumusuporta sa mga bilanggong pulitikal sa Pilipinas, ang anunsyo nitong linggo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na ang mga pulitikong dawit sa katiwalian sa gubyerno ay maaaring magpetisyon kung saan sila ikukulong habang umuusad ang imbestigasyon. Kasunod ang pahayag na ito ng pagsasapubliko ni Remulla sa espesyal na detensyon na maalwan at maluwag sa New Quezon City Jail sa Payatas, Quezon City para sa mga masasakdal na upisyal ng gubyerno.

Ayon sa grupo, hindi lamang iligal ang pahayag ni Remulla kundi isang malaking sampal sa mamamayang Pilipino na ilang buwan nang nananawagan ng hustisya at pananagutan. “Anong klaseng sistema ng hustisya ang magpapahintulot sa mga inaakusahang nagnakaw ng bilyun-bilyon na makapili kung saan sila idedetine?” pahayag ni Fides Lim, tagapagsalita ng grupo.

Dagdag ni Lim, napakalaking insulto rin nito para sa mga karaniwang bilanggo at mga bilanggong pulitikal sa bansa laluna ang mga matatanda at maysakit. “Pinapabayaan silang mabulok sa siksikan, marumi, at hindi makataong kalagayan, pinagkakaitan ng kanilang pinakabatayang mga karapatan,” aniya.

Ayon mismo sa mga alituntunin ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), dapat ikulong ang mga detenido sa pinakamalapit na pasilidad na pwede silang ilagak, alinsunod sa atas ng korte. Ayon sa Kapatid, tinitiyak nito na ang detensyon ay batay sa lapit ng lugar at hindi sa kaginhawaan at personal na desisyon ng mga detenido.

Ipinahayag ng grupo na ang komento ni Remulla ay naghahatid ng delikadong mensahe. “Na maaaring bilhin ng mga makapangyarihan ang kaginhawaan at kaluwagan habang ang mga mahihirap ay tinatanggalan ng mga karapatan, dignidad, at kahit ang pagkakataon na mabuhay habang nakakulong,” ayon sa Kapatid.

Inilahad na halimbawa ng grupo ang sitwasyon ng mga bilanggong pulitikal sa bansa at iba pang nakakulong na dumaranas ng pinatagal na mga pagdinig, hindi pinahihintulutang magpyansa, at pinagkakaitan ng atensyong medkal. Sa ilalim ng rehimeng Marcos, hindi bababa sa 12 bilanggong pulitikal na ang namatay dahil sa kapabayaan at inhustisya ng gubyerno. Higit 700 ang mga bilanggong pulitikal sa bansa.

“Ang batas ay hindi para sa may pera…ang mga karaniwang magnanakaw ay itinatapon sa siksikang mga kulungan, at bakit dapat maligtas mula sa parehong karanasan ang mga inaakusahang mastermind ng pandarambong?” ayon kay Lim.

Nanawagan ang grupo ng patas na pagtrato sa mga dawit sa katiwalian at pandarambong sa pondo ng bayan. Giit nitong itigil na ang “selective justice.” Hinimok din ng Kapatid ang mamamayang Pilipino na maging mapagbantay at ipanawagan ang mabilis at transparent na paglilitis sa lahat ng mga sangkot sa katiwalian.

Source link