Kinundena ng mga manggagawa at unyon na Wyeth Philippines Progressive Workers Union ang balak ng multinasyunal na kumpanyang Nestle na magsisante ng 16,000 manggagawa sa mga pagawaan nito sa buong mundo sa susunod na dalawang taon. Tiyak silang tatama ito sa mga manggagawa ng kumpanya sa Piliipinas na kasalukuyang nakikipagnegosasyon para sa bagong collective bargaining agreement o CBA.
Sa anunsyo ng kumpanya, magsisibak ito ng mga manggagawa bilang “cost cutting measure” o hakbang pagtitipid. Idinadahilan din nito ang awtomasyon, AI at digitalization.
“Pagkatapos mag-alay ng dugo, pawis sa pagtatrabaho at mahalin ang “Nestle Good Food, Good Life” na kumpanya, papatayin ang kabuhayn nating mga mangagagawa at pamilya,” bwelta ng unyon. Noong 2023, 140 manggagawa mula sa pabrika nito sa Pilipinas ang sinibak sa ngalan rin ng pagtitipid at restructuring.
Kinundena ng unyon ang sabwatan ng gubyerno at kapitalista, gamit ang mga neoliberal na patakarang work flexibilization, kontraktwalisasyon at automation para sibakin ang mga manggagawa
Sa harap nito, hindi lamang ipinaglalaban ng unyon ang dagdag-sahod, at benepisyo sa pakikipagtawaran nito sa kumpanya, itinutulak din nito ang katiyakan sa trabaho at regularisasyon.
“Mas higit natin pag-husayin at pagtibayin ang ating pagkakaisa, hindi na lamang ito laban ng sahod, laban na ito ng katiyakan ng ating at trabaho at kabuhayan ng ating pamilya,” pahayag ng unyon. Panawagan nito sa mga manggagawa na “magkaisa, tutulan at labanan ang mga neoliberal na mga patakaran na hinahambalos ng mga kapitalista sa ating mga manggagawa para bawiin ang ating mga tagumpay sa sahod, trabaho at karapatan para magbulsa ng dambuhalang tubo.
Nitong Oktubre 24, nagsagawa ang mga manggagawa ng Wyeth Philippines ng protesta sa harap ng pagawaan nito para kundenahin ang pambabarat sa kanila ng kumpanya sa ginaganap na negosasyong CBA. Kasabay nito, pakikiisa rin ito sa Black Friday Protest laban sa korapsyon. Naglunsad din ito ng katulad na protesta noong Oktubre 17.
“Habang nanawagan kami sa makabuluhang dagdag sahod benepisyo, nakikiisa rin kami sa pagpapanagot sa mga kawatan sa gubyerno,” pahayag ng unyon.











