Nireyd ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southwest Negros (Armando Sumayang Jr) ang bahay ni Garde Francisco, aset paniktik ng 15th IB sa Sityo Lumbia, Barangay Kamansi, Kabankalan City, Negros Occidental noong Oktubre 3 ng gabi. Napatay sa reyd si Francisco na mayroong patung-patong na mga krimen sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayang Pilipino.
Imbwelto si Fransisco sa tatlong malalaking kaso ng pagpaslang ng mga pwersa ng estado sa mga sibilyan at rebolusyonaryong lider at mga Pulang mandirigima sa isla ng Negros. Siya ang nagturo at nagtunton, na nagresulta sa sadyang pagpaslang at masaker, sa mga pusisyon ng mga kasama.
Kabilang sa mga kaso ni Francisco ang pagtulong sa militar sa pagpatay kay Ericson Acosta, konsultant sa kapayapaan ng National Democratic Front (NDF)-Negros at kasama niyang lider-magsasaka na si Joseph Jimenez sa Sityo Makilo, Barangay Kamansi, Kabankalan City on Nobyembre 30, 2022.
Matatandaan na dinakip ang dalawa ng mga sundalo bandang alas-2 ng umaga, pero pinalabas na napaslang sa isang engkwentro. Nasa Kabankalan City si Acosta para magkonsulta kaugnay sa sitwasyon ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa lugar, at magbahagi ng impormasyon kaugnay ng Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms (CASER).
Imbwelto rin si Francisco sa pagmasaker ng mga pwersa ng estado sa limang Pulang mandirigma at isang sibilyan sa Sityo Lubi, Barangay Tabugon, Kabankalan City, Negros Occidental noong Setyembre 21, 2023.Ang mga pinatay ay mga hindi armadong upisyal sa gawaing medikal.
Kabilang sa mga namartir sina Ka Rekoy (Bobby Pedro), Ka Goring (Mario Mullon) at Ka Joyce (Janice Flores). Kasama nila noon sina Ka Bravo (Alejo delos Reyes) at kanyang 6-buwang buntis na si Ka Diane (Melissa dela Peña) na naka-medical leave. Kinilala naman ang drayber ng traysikel na si Robin Gaitan.
Sangkot rin si Francisco sa kaso ng pagkamartir ng Kabankalan 7 sa Barangay Tapi, Kabankalan City noong Abril 27. Ang pitong namartir ay sina Reniel Locsin Cellon (Ka Randy), Mary Jane Magquilat (Ka Shonie), Charity Amacan (Ka Mayang), Johnrey Mejares (Ka Jai), Glenda Tinio Mejares (Ka Glendyl), Ka Pitong, at Dee Supelanas (Ka Dahlia). Si Supelanas ay dating lider estudyante ng UP-Cebu. Tatlo sa mga martir ay mga senior citizen at mayroong kundisyong medikal na dahilan ng kanilang kahirapan na makakilos.
Ayon kay Ka Andrea Guerrero, tagapagsalita ng BHB-Southwest Negros, ang armadong aksyon ay bahagi ng pagkakamit ng hustisya sa mga biktima ng pag-atake ng estado at magsiislbing paalala rin sa mga may “utang na dugo” sa rebolusyon. “Hindi malilimutan ang kasaysayan ng inyong mga krimen, at ipaglalaban ng BHB ang hustisya,” aniya.
Paliwanag pa niya, “mas mabuting mamuhay nang tama kaysa maging aset ng militar na ginagamit lamang para sa pera at pansamantalang kalayaan na hindi pangmatagalang solusyon sa krisis ng kahirapan at kagutuman.”










