Nagpahayag ng matinding pagkabahala at galit ang Environmental Defenders Congress (EDC) sa pagbasura ng Court of Appeals sa petisyon nila Franscisco “Eco” Dangla at Joxelle Tiong, mga tagapagtanggol ng kalikasan na dinukot at tinortyur noong 2024, para sa permanent writ of amparo at habeas data.
Sa kabila ng nag-uumaapaw na ebidensya na ang mga pwersa ng estado ang dumukot sa kanila, pinili ng korte na pagkaitan sina Dangla at Tiong ng hustisya at ipinagkaila sa kanila at kanilang mga pamilya ang kinakailangang proteksyon.
Noong Marso 2024, dinukot si Dangla at Tiong ng mga armadog kalalakihan sa Pangasinan. Tatlong araw silang pinailalim sa pisikal at sikolohikal na tortyur at pinagbawalang makakontak sa kanilang pamilya. Bago ang pagdukot ay ilang beses silang ni-red-tag at siniraan ng mga ahente ng estado dahil sa aktibo nilang pagkampanya laban sa mapanirang mga proyekto tulad ng coal fired power plant, waste-to-energy plant, modular nucear project at black sand mining sa prubinsya.
Una silang naghain ng Temporary Protection Order at Writ of amparo at habeas data sa Korte Suprema na kinatigan ng korte noong Setyembre 2024.
“Sa desisyon ng korte, hindi lamang nito trinaydor sila Dangla at Tiong, kundi ang di na mabilang na mga aktibista na nagbubuwis ng kanilang buhay ipang ipagtanggol ang kanilang lupa, kabuhayan at komunidad. ” paliwanag ng EDC.
Dagdag dito, ang pagtanggi ng korte na managot ang mga salarin ay lalo lamang nagpapalala sa kultura ng kawalan ng pananagutan sa bansa,
“Nananawagan kami para sa komprehensibo at tapat na imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga ahente ng estado na imbwelto sa krimen at mapanagot ang mga ito. Nananawagan din kami sa hudikatura, na itakwil ang kultura ng impunidad at manindigan para sa hustisya, katapatan at kaligtasan para sa mga nagtatanggol sa kalikasan,” panawagan ng EDC.











