Mariing kinundena ng KASAMMA-KO, organisasyon ng mga Pilipinong migrante manggagawa sa South Korea, ang nagpapatuloy na pang-aabuso sa mga seasonal workers sa Goheung-gun sa South Jeolla Province. Ang mga manggagaawa ay dagdag na manggagawa sa agrikultura o pangingisda na iniempleyo tuwing panahon ng anihan o taniman sa bansa sa ilalim ng Seasonal Work Program ng bansa.
Ayon sa grupo, ipinapakita ng kalagayan ng mga migranteng manggagawa ang malupit na reyalidad sa likod ng mga tinatawag na “oportunidad” na trabaho sa ibang bansa at inilalantad ang isang sistema na patuloy na nakikinabang mula sa kanilang paghihirap.
Sa kabila ng paulit-ulit na pagtitiyak ng Department of Migrant Workers (DMW) sa publiko na ang mga migranteng manggagawa ay ligtas at protektado, ipinakikita nito ang pang-aabuso, pagsasamantala, at maging mga kondisyon na maituturing na human trafficking.
Ayon sa mga manggagawa, malinaw na nilalabag ng kanilang mga amo ang kanilang kontrata. Sa halip na matanggap ang napagkasunduang buwanang sahod na ₩2.09 milyon won (P115,577), arbitraryo itong binawasan at kinukwenta batay sa kanilang natrabaho. Sa pangisdaan, ang halaga ng pagbubukas ng talaba ay ibinaba mula ₩3,150 won (P125.54) kada kilo ay naging ₩3,000 won (P119.56) na lamang, na lalo pang nagpapababa sa kanilang mababa ng kita. May isang manggagawa, na sa kabila ng pagtatrabaho ng 18 araw sa unang buwan, kung saan tiniis niya ang mahigit sa 12 oras kada araw na pagtatrabaho, ay tumanggap lamang ng humigit-kumulang ₩200,000 won (P7,970). Ang ganitong kalagayan ay hindi makatarungan, mapagsamantala, at hindi katanggap-tanggap, paliwanag ng grupo.
Maliban sa pagnanakaw ng sahod, napipiltan silang manirahan sa maliliit na kwarto. Kinokontrol din ang kanilang paggalaw sa pamamagitan ng pagmonitor sa CCTV at tini-tsek sila tuwing gabi ng mga mga broker. Ang ganitong pagtrato ay hindi makatao, labag sa kanilang karapatan bilang manggagawa at maituturing na makabagong porma ng pang-aalipin at human trafficking.
Maliban sa paglabag sa kanilang karapatan, nakakaranas din ang mga migrante ng banta ng deportasyon. Simula Marso 9, naglunsad ng kampanya ng malawakang pag-aresto at deportasyon ang gubyerno ng South Korea laban sa mga migrante na walang dokumento na nagtatrabaho sa sektor ng pagdedeliber. Magtatapos ito sa Abril 30.
Ayon sa KASAMMA-KO, ang operasyon na ito ay pagpapatuloy sa di makataong pagtugis ng estado sa komunidad ng mga migrante. Ang ganitong mga hakbang ay nagdudulot ng takot, kawalan ng katiyakan at pagdurusa para sa mga migrante na nasa bulberable nang sitwasyon. Hindi kinikilala ng Ministry of Justice na karamihan sa mga migrante na walang dokumento ay hindi kriminal kundi biktima ng palpak at mahigpit na sistema sa bansa.
“Sa halip na mahigpit ng mga hakbangin, mas kailangan ng mga migrante ng makatarungan at makataong polisiya na nagtataguyod sa dignidad at karapatan ng mga manggagawa. Ang nagpapatuloy na pagtugis ay lalo lamang nagpapalubha sa kawalan ng hustisya at nagbabalewala sa ugat ng kawalang ng ligal na dokumento ng mga migrante,” paliwanag ng grupo.
Nananawagan ang KASAMMA KO sa gubyerno ng South Korea para sa agarang imbestigasyon at panangutan sa mga responsible sa pang-aabuso sa mga migrante at pagbabasura ng sistemang broker sa loob ng Seasonal Worker Program. Gayundin, dapat magkaroon ng makabuluhang reporma sa mga batas, gawing ligal at regular ang mga migrante na walang dokumento at ipagtanggol sa kanilang karapatan at kagalingan.
Nananawagan din ang grupo sa gubyerno ng Pilipinas na ibasura ang labor export program at ang patuloy na paglalako ng lakas-paggawa ng mga manggagawang Pillipino sa mga bulnerableng trabaho sa ibang bansa sa halip na lumikha ng disenteng trabaho sa Pilipinas.
*P1=₩25.09











