Sa Mindoro at buong bansa, bumabaha ang galit ng mamamayan sa sukdulang kabulukan at katiwalian ng rehimen ni Ferdinand Marcos Jr na lalong nailalantad sa kada araw. Unang lumutang ang usapin sa isinagawang imbestigasyon sa mga palpak at batbat ng korapsyon na mga proyektong flood control. Sa katunayan, unang sumambulat sa Mindoro ang isyu ng maanomalyang flood control nang tumambad ang pinsala matapos humagupit ang Bagyong Crising at ang tuloy-tuloy na pag-ulang hatid ng hanging Habagat noong Hulyo.
Ang malawakang pagbaha, pagguho ng lupa at pinsala na naranasan sa Occidental at Oriental Mindoro ay isinisisi ngayon sa mga palpak, marurupok o kaya’y ghost flood control projects. Mula noong Hulyo, nagtuloy-tuloy na ang mga kunwang imbestigasyon sa mga proyektong flood control at mga kontraktor na humawak sa mga ito sa antas ng lokal na gubyerno hanggang sa pambansa—lahat mga pawang palabas at pagtatangka ng mga burukrata kapitalista na makatakas sa pananagutan at ibunton ang lahat ng sisi sa iilang mga pinangalanang kontraktor, district engineers, at pailan-ilang pulitiko. Sa gitna ng pagdadrama at pagmamalinis ni Marcos Jr at kanyang mga kasapakat na burukrata kapitalista hinggil sa paglaban kuno sa korapsyon, dapat mailinaw na si Marcos Jr ang dapat panagutin bilang siya nang pinakamalalaking magnanakaw ng pondo ng bayan.
Nagmamalinis si Marcos Jr ngayon subalit, kung babalikan, siya mismo ay nagyabang sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 2024 at maski ngayong 2025 hinggil sa mga proyektong flood control na natapos ng kanyang administrasyon. Pinatutunayan ng mga nagdaang sakuna na walang pakinabang sa mamamayan ang nasabing mga proyekto. Inutil laban sa malakas na pag-ulan at pagbaha ang flood control ng gubyerno. Kinahiligan at ginagawang palabigasan ng mga burukrata ang mga proyektong ito dahil sa limpak-limpak na pondong maaaring ibulsa mula rito. Sa ilalim ni Marcos Jr, umabot na sa ₱1 trilyong ang winaldas sa mga proyektong flood control.
Kapalit ng milyun-milyong kikbak ng mga burukrata, iniinda ng mamamayan taun-taon ang pagbahang dala ng mga bagyo at hanging Habagat. Ayon sa tala ng gubyerno nitong Hulyo at Agosto, umabot ng ₱215.6 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura sa Occidental Mindoro na halos kalahati na ng kabuuang pinsala sa agrikultura sa buong bansa. Pinakamalaki ang ₱104.4 milyong pinsala sa Mamburao. Ang Oriental naman ay nagtamo ng ₱190 milyong pinsala sa agrikultura. Ang mga bayan ng Baco, Pola at Pinamalayan ay nagtala ng higit 30% na pinsala sa mga palayan habang nag-deklara ng state of calamity sa Calapan City, Baco, Naujan, Victoria, Bansud at Pinamalayan. Walang makabuluhang ayuda mula sa gubyerno kundi kakarampot na bigas, delata at noodles na ni hindi kayang itawid ang pagkain sa maghapon ng mga nasalanta. Sariling pagsisikap ng mga magsasaka, katutubong Mangyan at iba pang mamamayang Mindoreño ang pagbawi at pagbangon ng kabuhayan laluna ng mga nalunod na sakahan.
Inililingid ngayon ng lokal na gubyerno sa Mindoro at ni Marcos Jr. na sadyang hindi malulutas ng kanilang mga huwad na proyektong flood control ang pagbaha at bagkus ay maaari pa ngang magpalala rito. Ito’y dahil ang mga itinatayong dike, kanal at iba pang imprastraktura sa pagpigil ng baha ay itinatayo nang pabasta—nang walang masusing pag-aaral at imbestigasyon, walang konsultasyon sa mga residente at mga eksperto, walang pagsasaalang-alang sa pagbabago ng mga ito sa natural na hugis ng kalupaan at daluyan ng mga tubig at nang walang sapat na pondo para sa matibay na materyales at mahusay na proseso ng paggawa dahil sa korapsyon.
Dagdag pa rito’y napakaingay ni Marcos Jr., ng Kongreso at Senado sa mga proyektong flood control at korapsyon habang tikom naman ang bibig hinggil sa mga operasyon ng mina, kwari, dredging, logging at iba pang mapangwasak na negosyo na pinapapasok nila sa Mindoro at sa iba pang prubinsya na pangunahing salarin sa mga pagbaha at pagguho ng lupa. Paano hindi babaha kung ang mga kagubatan at kabundukan ay kinakalbo para sa mina at logging? Paanong hindi babaha kung ang mga bato at buhangin sa mga baybayin ng mga ilog at dagat ay binubungkal para ibenta at itambak sa mga proyekto ng mga dayuhan at mga malaking burgesya kumprador? May gana pa nga si Oriental Gov. Humerlito Dolor na sabihing ang malawakang pagbatikos ngayon ng mga Mindoreño sa dredging ay panakip lamang daw sa isyu ng korapsyon at sabwatan sa pagitan ng gubyerno at mga kontraktor.
Bukod sa pagsalag para sa kasosyong mga kumpanya ng mga negosyong mapangwasak sa kalikasan, inaaliw ng rehimeng US-Marcos II ang atensyon ng madla gamit ang mga palpak na flood control at mga ganid na kontraktor upang iligtas ang kanilang mga sarili mula sa galit ng taumbayan. Habang hinahayaan ni Marcos Jr. na maimbestigahan ang mga karibal na pulitko, tinatabunan naman ang mas malaking pagnanakaw sa pera ng taumbayan na ginawa ni Sara Duterte sa maanomalyang paggamit ng pondo ng Department of Education (DepEd) at Office of the Vice President (OVP), isang kaso na isinantabi ng rehimen ni Marcos Jr. nitong Hulyo, at ang korapsyon sa binubuong 2026 national budget.
Isang madramang palabas ngayon ang pagpapatawag at pagkastigo sa mga kontraktor sa mga pagdinig sa Kongreso at Senado. Idagdag na rin dito ang kanya-kanyang sermon ng mga burukrata sa mga kontraktor hinggil sa korapsyon at pananagutan. Pinakanakakatawa sa lahat ng ito ang pahayag ni Sen. Bato de la Rosa, na isa sa mga nanguna sa pagsasantabi sa kasong impeachment ni Sara Duterte, na ngayon ay umaastang mas malinis kaysa sa mga upisyal at kontraktor na binabatikos niya. Nakakatawa din ang mismong pahayag ni Sara Duterte na kung nanaisin daw ni Marcos Jr. ay kaya namang mabilis na resolbahin ang korapsyon gayong siya at ang kanyang pamilya mismo ang isa sa pinakamalaking mangungurakot sa pondo ng bayan.
Sa pangunguna ni Marcos Jr., ang 2026 pambansang badyet ay niluluto bilang badyet para sa korapsyon at kikbak sa anyo ng bilyong pisong pondo para sa confidential and intelligence funds (CIF), mga pork barrel at badyet para sa kampanyang panunupil sa mamamayan. Liban sa pakitang taong bahagyang pagpapalaki ng pondo para sa edukasyon—na kung sisilipin ay di pa rin mapupunta sa pinakamahalagang bahagi ng sektor ng edukasyon—pilit na inilulusot ngayon ang CIF para sa upisina ni Marcos Jr., pinalaking badyet para sa Department of National Defense (DND) at ang lubhang pinalobong pondo ng teroristang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at Barangay Development Program na humihingi ng ₱8 bilyon. Asahan na ang mga pondong ito ay mapupunta sa mas matinding panunupil at pagpapatahimik sa mamamayan at pati na rin sa bulsa ng mga pinakamataas na upisyal at heneral ng AFP-PNP na, gaya ng mga amo nilang naghaharing uri, ay nagnanakaw at ginagawang gatasan ang pera ng taumbayan.
Sa ilalim ni Marcos Jr. inaabot ng nabubulok na reaksyunaryong gubyerno ang panibagong antas ng pagkaagnas. Ang burukrata kapitalismo sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II ay mas masangsang pa sa anumang basura na tangay-tangay ng mga baha.
Sa harap ng tumatambad na kabulukan ng rehimeng US-Marcos II, makatwiran ang paghugos ng disgusto at galit ng mamamayan. Nitong Setyembre 21, dinala ng mamamayan ang kanilang galit sa mga protesta sa buong bansa. Umabot sa 200, 000 ang lumahok sa mga protesta sa mismong araw ng Linggo habang sunod-sunod din ang mga pagkilos bago pa man ang Setyembre 21. Tanda ang kilusang protesta ng matinding pagkamuhi ng mamamayan, lalong pagkakahiwalay ng rehimeng US-Marcos II at panghihina nito sa harap ng krisis sa pulitika.
Tungkulin ngayon ng mga pambansa demokratikong pwersa na matalino at mahusay na iugnay ang mga sumasambulat na lokal na isyu ng masang Mindoreño sa mga isyung pambansa gaya ng korapsyon sa mga proyekto ng gubyerno, anti-mamamayang badyet para sa 2026, pagpapanagot sa pinakamalaking mga burukrata kapitalista gaya nila Marcos Jr. at Sara Duterte na naglalantad sa lumalalim na malakolonyal, malapyudal na krisis ng bansa. Para magawa ito, susi ang pagtungo sa kung nasaan ang masa, pag-aaral ng kanilang mga hinaing, panawagan at pagpapakilos sa kanila.
Dapat iangat ang lahat ng pakikibakang masa ng mga Mindoreño sa pakikibaka para sa pambansang demokrasya—para sa tunay na reporma sa lupa, kalayaan mula sa dayuhang kontrol sa yaman ng bansa at demokrasya. Dapat lubusang mailantad ang bulok na reaksyunaryong gubyerno at ang masugid na paglilingkod nito sa interes ng imperyalistang US at mga lokal na naghaharing uri. Dapat walang pagod na magmulat, mag-organisa at magpakilos ng masa upang kanilang yakapin ang demokratikong rebolusyong bayan bilang natatanging paraan upang maitatag ang gubyernong tunay na kakatawan sa interes ng mamamayan. Ang lahat ng ating pagsisikap ay ituon natin sa pagtitipon ng galit, hinaing at aspirasyon ng masang api sa iisang daluyong ng paglaban para sa mas makatarungan at maaliwalas na lipunan.
Mamamayang Mindoreño, panagutin si Marcos Jr. at mga burukrata kapitalista sa pagwawaldas at pagnanakaw sa pera ng mamamayan!
Magkaisa at ipaglaban ang tunay na interes ng mamamayan! Makibaka para sa lupa, nakabubuhay na sahod at trabaho, serbisyong panlipunan at iba pang mga demokratikong karapatan!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!











