Simula pa lamang ng gerang agresyon ng US-Israel sa Iran, nagbabala na ang Department of Energy (DoE) na maaaring itaas ng mga kumpanya ng langis ang presyo ng gasolina nang hanggang ₱10/litro at ng diesel nang ₱20. Papatong ito sa ₱7 hanggang ₱10/litro nang itinaas sa presyo ng mga produktong petrolyo mula Enero. Agad na magaganap ang mga pagtaas sa kabila ng mga pahayag ng mga upisyal ng DoE na may sapat na suplay ng langis ang bansa para sa 30-60 araw na konsumo.
Sa ilalim ng Oil Deregulation Law, malaya ang mga kumpanya ng langis na awtomatikong magtaas ng presyo nang hindi isinasapubliko ang kompyutasyon at iba pang detalye. Isinuko rin ng estado ang karapatan nitong usisahin kung makatarungan o hindi ang mga pagtaas.
Dagdag na pahirap ang nakapataw na 12% VAT at excise tax sa mga produktong petrolyo na umaabot sa ₱10/litro para sa gasolina, ₱6/litro para sa diesel at ₱3/litro para sa kerosin.
Mahigit 90% ng kinoukonsumong langis ng Pilipinas ay imported. Malaking bahagi dito ay repinadong langis na binibili pangunahin mula sa South Korea, China at Singapore. (Nag-iimport din ng krudong langis mula sa Middle East pero sa mas mababang kantidad dahil iisa na lamang ang refinery sa bansa.) Mayor na usapin, pero di direkta, ang pabago-bagong presyo ng krudong langis sa pandaigdigang merkado. Sa ngayon, lagpas $80/bariles na ang presyo nito. Maaari itong umabot ng $100/bariles kung magtatagal ang mga pag-atake ng US laban sa Iran.
Buhay ang nakataya
Nasa panganib ngayon ang buhay ng tinatayang 2.15 milyong Pilipino sa Middle East, karamihan mga manggagawa sa mga batayang trabaho tulad ng pagkakasambahay, serbisyo at konstruksyon. Matagal nang iniinda ng mga manggagawang Pilipino ang palpak na serbisyo ng mga embahadang Pilipino sa harap ng mga pang-aabuso na pinalala ng sistemang kafala, di pagbibigay ng sahod, mga paglabag sa kontrata at iba pa. Tulad sa nakaraang mga sigalot, mabagal at di sapat ang tugon ng gubyernong Pilipino sa mga hinaing ng apektadong mga migrante. Hindi nakaaagapay ang mga tauhan ng embahada kahit sa simpleng pagsagot ng mga hotline nito.
Panawagan ng grupong Migrante na laanan ang mga migranteng manggagawa sa Middle East ng ligtas na bahay kanlungan at tiyaking bukas ang linya sa komunikasyon. Panawagan din nito ang mabilis na pagproseso ng mga dokumento at walang kondisyon sa pagpapauwi sa kanila. Sa huling bilang, nasa 1,000 nang migrante ang nagpahayag ng kagustuhang umuwi.











