Pambungad
Noong maagang bahagi ng 2024, inilalarawan ng imperyalismong US ang relasyong militar nito sa Pilipinas bilang “nasa hyperdrive,” o nakakambyo sa pinakamatulin. Dumami ang mga base militar ng US, lumawak ang presensya ng mga tropang Amerikano at nabuo ang bagong mga kasunduan sa pulitika, ekonomya at militar sa pagitan ng US at Pilipinas. Lahat ito’y alinsunod sa “deterrence strategy” ni Donald Trump at Indo-Pacific Strategic Plan ng rehimen ni Joseph Biden. Pagpapatuloy ito sa estratehiyang “pivot to Asia” na idineklara noon pang 2009 ng rehimen ni Barrack Obama. Layunin ng estratehiyang ito ang pagpigil sa lumalawak na kapangyarihan ng China sa Asia at paggigiit ng hegemonya ng US o ng imperyalistang dominasyon nito sa rehiyon.
“Nasa hyperdrive” din na mailalarawan ang pagkakandarapa ni Marcos at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na tuparin ang mga dikta ng US at gampanan ang itinakdang papel ng tutang gubyerno nito alinsunod sa nabanggit na estratehikong plano. Kapalit ng pagpapakatutang ito ang ibinibigay na suportang pampulitika at pangmilitar ng US kay Marcos. Sa pagitan ng 2022 at 2024, tumanggap si Marcos ng $1.14 bilyon (₱64.98 bilyon) sa ilalim ng programang Foreign Military Financing ng US, liban pa sa $332.3 milyon (₱18.94 bilyon) na iba pang ayudang militar. Pinakamalaki ang ayudang militar na ito sa buong Asia.
Mula nang maupo si Marcos, aabot na sa 14 na beses na dumayo sa Pilipinas ang matataas na upisyal ng gubyerno at militar ng US, sa pangunguna ng noo’y bise presidente ng US na si Kamala Harris noong 2022. Sunud-sunod na bumisita ang mga kalihim at upisyal mula sa kagawaran sa estado, depensa at komersyo ng rehimeng Biden. Sa pagbabalik ni Donald Trump sa estado poder ng US noong 2025, ang Pilipinas ang unang dinayo sa Asia ng kanyang kalihim sa depensa na si Pete Hegseth.
Limang beses na ding ipinatawag si Marcos sa White House para lagdaan ang mga kasunduan at “roadmap” ng US para sa ugnayang militar ng dalawang bansa. Pinirmahan ni Marcos noong 2023 ang Bilateral Defense Guidelines na nagpalawak sa saklaw at layunin ng Mutual Defense Treaty at naging tuntungan ng dagdag pang tagibang na mga kasunduang militar at kaisahan. Binigyang daan ng mga kasunduang ito ang pagbubukas ng mga base militar para sa mga tropa ng US at para sa pag-iimbak ng mga kagamitan at panggatong (langis) para sa mga sasakyang pandigma ng militar ng US.
Comprehensive Archipelagic Defense Concept
Noong 2024, idineklara ng AFP na isasagawa nito ang “estratehikong pagpihit” sa planong panseguridad ng Pilipinas. Tinawag itong “Comprehensive Archipelagic Defense Concept” o CADC. Pinalalabas ng AFP na layunin ng CADC ang “paggarantiya sa mga korporasyong Pilipino, at mga dayuhang pahihintulutan ng Pilipinas, na payapang makapagsagawa ng eksplorasyon at pagsasamantala sa lahat ng likas na yaman sa loob ng “exclusive economic zone” at iba pang mga lugar na saklaw ng hurisdiksyon ng Pilipinas.
Sa aktwal, walang kinalaman ang CADC sa pagtatanggol sa interes sa ekonomya ng Pilipinas. Tuwirang kinopya lamang ito sa dokumento ng militar ng US na “Archipelagic Defense Strategy” na naglalaman ng konsepto sa operasyon nito sa “Western Pacific Theater of Operations.” May pagdidiin ito sa tinaguriang “First Island Chain” o kadena ng mga isla na pinakamalapit sa China, kabilang ang Pilipinas.
Ang CADC ng AFP ay pagpapatupad ng konsepto ng US na “anti-access/area denial” para pagkaitan ng erya sa operasyon ang “kaaway” (China) at alisan ito ng kakayahan na makapaglunsad ng “agresyon” sa rehiyon. Sa ilalim ng planong ito, inilalatag ng US ang lambat ng hayag at sikretong mga base at pasilidad upang itayo ang sistema ng mga radar, istasyon ng mga tropa, lunsaran ng misayl, at imbakan ng mga armas, kabilang ang nukleyar, samutsaring gamit, panggatong at marami pang ibang pangangailangan para sa paglulunsad ng gera.
Para padulasin ang daloy ng kumand ng US sa loob ng AFP, nakatakdang itayo ng AFP ang “Strategic Defense Command” ngayong taon. Huhugutin ang naturang kumand mula sa kasalukuyang Education, Training, and Doctrine Command ng AFP na dati nang mahigpit na tagapagtaguyod ng mga doktrinang militar ng US.
“Modernisasyon” ng AFP
Ipinatutupad din sa balangkas ng estratehiyang Archipelagic Defense ang modernisasyon ng AFP. Layunin diumano nito na epektibong makalaban ang AFP sa China. Tungo rito, pinangakuan ng US ang AFP ng $2 trilyon para pambili ng mga armas, sasakyan at iba pang gamit-militar na gawang-US at mga kaalyado nito. Marami sa mga kontrata para rito ay pinirmahan noon pang panahon ng rehimeng Duterte.
Sa pamamagitan ng Security Sector Assistance Roadmap, idinikta ng US ang mga uri at dami ng armas na pahihintulutan nitong mapunta sa Pilipinas sa susunod na 5–10 taon. Karamihan dito ay mga pinaglumaang kagamitan, tulad ng mga jet fighter na F-16 ng US, malalaking barko at radar ng Japan, at iba pang “big ticket” o malalaking armas na nakapaloob sa programang ReHorizoned 3 ng AFP.
Sa kabila ng mga pangako, walang balak ang US na palakasin ang AFP bilang nagsasariling pwersang militar para sa pambansang pagtatanggol. Ang totoo, pinananatili ng US na palaasa at mahina ang AFP, pati na ang ibang mga alyado nito sa Asia. Mahihina at limitadong mga armas lamang ang ibebenta nito sa AFP. Hindi nito ipinahahawak sa AFP ang malalakas na armas, tulad ng HIMARS, NMESIS at Typhon Missile Systems na inilagak nito sa loob at paligid ng Pilipinas. Ang papel lamang ng AFP ay ibahay at gwardyahan ang mga ito.
Pagtatayo ng mga base militar
Nais ng US na maniwala ang Pilipinas na ang pagtatayo ng mga base militar at pasilidad nito ay nagsisilbi sa “modernisasyon” ng AFP. Alinsunod dito, inoobliga ng US ang Pilipinas na karguhin ang gastos sa konstruksyon o pagkukumpuni sa mga imprastrukturang militar at sibil sa mga kampo at lokasyon na pinili nito sa balangkas ng EDCA.
Noong Pebrero 2023, pormal na dinagdagan ni Marcos ng apat ang dating limang “pinagkaisahang lokasyon” na pinili ng US para sa base militar nito. Sinundan ito ng pahayag ng hepe ng AFP na may balak ang US na magbukas ng 10–15 pang lokasyon para sa mga tropa at gamit nito. Target ng US na tapusin ang pagkukumpuni sa mga lokasyong ito sa 2026.
Liban sa siyam na “upisyal na EDCA site” sa Cagayan (Lal-lo, Sta. Ana), Isabela, Pampanga, Nueva Ecija, Palawan (Puerto Princesa, Balabac Island), Cebu at Cagayan de Oro, di bababa sa walo pang lokasyon ang nababalitang ginagamit ng US. Ang mga ito ay nasa anyo ng mga kampo, imbakan, kumpunihan, daungan at forward operating base na matatagpuan sa Batanes (Mavulis), Aurora (Casiguran), Ilocos Norte (Burgos) at Zambales (Subic at Subic Bay). Nagpalawak din ito ng presensya sa Cagayan (mga isla ng Calayan at Fuga) at Palawan (Ulugan Bay, at baybaying karagatan ng Quezon). Pawang labas na ang mga ito sa itinakdang mga “EDCA site.” Sa 2026, magtatayo ang US ng refueling depot o imbakan ng langis at panggatong sa Davao Gulf, mula sa baybayin ng Davao City hanggang sa Malalag Bay.
Isinapubliko na rin ng US ang balak nitong pagtatayo ng pabrika ng bala sa Subic Bay Freeport at ng drone sa Aurora Pacific Economic Zone and Freeport. Marami pang kumpanyang militar ang tinukoy ng US na ipapasok nito sa bansa alinsunod sa Joint Vision Statement on US-Philippine Defense Industrial Cooperation na pinirmahan ni Marcos noong Marso 2025.
Malalaki at integradong war games
Walang-patid at suson-suson ang mga war games at aktibidad militar ng US sa Pilipinas at mga bansa sa paligid ng China. Dahil dito, lumaki ang pangangailangan nito para sa dagdag na mga base at pasilidad militar sa Pilipinas upang magsilbing istasyon ng mga tropa nito at lagakan ng mga kagamitan. Dumami ang mga “engagement” o aktibidad ng militar ng US na pinagplanuhan ng Mutual Defense Board-Security Engagement Board mula 300 noong 2020 tungong mahigit 500 kada taon mula 2024 hanggang 2026. Sinasabing 70%–80% nito ay mga “magkasanib” na pagsasanay, pagpapatrulya at iba pang aktibidad, habang 10%–20% ay malakihang war games na nilalahukan ng libu-libong tropa.
Sa tatlong pinakamalalaking war games—ang Balikatan, Salaknib at Kamandag—dumami ang bilang ng mga tropa mula 5,000–7,000 noong 2020 tungong 12,000–15,000 noong 2022 at 25,000–29,000 nitong 2025. Pinalawig at pinalawak ang mga war games na ito, katulad ng pagkumbina ng Salaknib at Balikatan (SaBak) na tumakbo mula Marso hanggang Hunyo 2025.
Sa ilalim ni Marcos, lalupang pinalaki at itinaas ng US ang antas ng mga war games nito. Ginamit nito ang mga abanteng kagamitan tulad ng mga missile systems na HIMARS noong 2024, at Typhon at NMESIS noong 2024–2025. Pinalawak din ng US ang partisipasyon ng mga alyadong bansa nito sa Asia-Pacific (Japan at Australia) at sa NATO (France, Canada, UK, Germany).
Kontrol sa karagatan
Noong Setyembre 2022, inianunsyo ng US ang pagbubuo ng Task Force 76/3, isang yunit na mula sa mga pwersang nabal nito sa Indo-Pacific Command na permanenteng nakatalaga sa South China Sea. Layunin nitong pahigpitin ang kontrol ng US sa mga pasilidad, base at tropang nabal sa mga bansa sa South, East at Southeast Asia sa tabing ng “integrasyon” at “interoperability.”
Bagong mekanismo ito sa ilalim ng Pacific Deterrence Initiative ng Pentagon na sinimulan noon ng rehimeng Biden. May inilaan ditong $5.1 bilyong badyet. Layunin ng programang ito na ilatag ang mga pasilidad sa mga bansa sa “first island chain” para dikitan at permanenteng palibutan ang China ng mga “long-range missile” na nakabase sa lupa (land-based).
Noong Balikatan 2025, pormal na sinimulan ang operasyon ng Littoral Rotational Force(LRF)-Luzon, isang yunit sa ilalim ng 3rd Expeditionary Marine Force ng US. Bahagi ito ng Task Force 76/3. Pokus ng operasyon ng LRF-Luzon ang Bashi Channel, isang kipot sa dagat sa pagitan ng Lesser Orchid Island sa katimugang Taiwan at ng Mavulis Island, ang pinakahilagang isla ng Pilipinas sa prubinsya ng Batanes. Tinatawag ang kipot na ito na “choke point” ng mga operasyong submarino ng US at krusyal para makapasok ang mga barkong nabal ng US sa South China Sea. Sa ilalim rin ng karagatang ito nakalatag ang mahahalagang kable sa telekomunikasyon na tumatagos hanggang sa buong South Asia. Inaangkin ngayon ng US ang Mavulis bilang “training ground” ng mga espesyal na pwersang militar ng US.
Binuo ng US ang Task Force-Ayungin noong 2024 sa layuning sulsulan ang sigalot sa dagat sa pagitan ng China at Pilipinas sa West Philippine Sea. Sa tulak ng US, pinalawak ng AFP ang mga pasilidad militar nito sa Ulugan (Oyster) Bay para gamiting daungan at kumpunihan ng malalaking barko ng US. Dito rin inilulunsad ang walang-patid na paglalayag ng mga barkong nabal ng Pilipinas sa South China Sea na humahamon ng armadong salpukan sa China. Nakabase ang mga tropang Amerikano ng TF-Ayungin sa loob ng Western Command ng AFP sa Puerto Princesa, Palawan.
Patung-patong na mga kasunduan at kaisahang militar
Kauupo pa lamang ni Marcos sa poder, umarangkada na ang panghihimasok ng US sa bansa. Hindi pa man siya sumusumpa, pinirmahan na ng US Indo-Pacific Command at AFP ang Bantay Dagat o Maritime Security Framework noong Mayo 2022. Ilang buwan pa lamang si Marcos, bumisita ang noo’y bise-presidente na si Kamala Harris para itulak ang pagbubukas ng dagdag pang mga base at pasilidad militar ng US sa ilalim ng EDCA.
Sa sumunod na taon, nagtungo si Marcos sa US para pirmahan ang Bilateral Defense Guidelines, isa sa pinakamasaklaw na kasunduang pandepensa ng US at Pilipinas. Pinagtibay at sinusugan nito ang 1951 Mutual Defense Treaty nang walang pahintulot ng Senado. Sinaklaw nito ang iba’t ibang larangan ng pakikidigma tulad ang cybersecurity, gayundin ang diumano’y mga “atake” sa South China Sea sa tinawag ng US na mga “gray-zone area.” Naging tuntungan ito para mabuo ang Roles, Missions, and Capabilities Working Group, at ang mga kasunduan at kaisahan tulad ng Security Sector Assistance Roadmap, General Security of Military Information Agreement at Joint Vision Statement on US-Philippine Defense Industrial Cooperation.
Sa tulak ng US, sunud-sunod ang ginawa ni Marcos ngayong 2025 na pagbubukas ng Pilipinas sa dayuhang mga tropa. Pinagtibay niya ang Reciprocal Access Agreement sa Japan para bigyan-laya ang mga tropang Japanese na maglabas-masok sa bansa. Isang Status of Visiting Forces Agreement naman ang pinirmahan niya sa New Zealand na nagbibigay ng mga karapatang ekstra-teritoryal sa mga tropa ng New Zealand. Nakatakda siyang pumirma sa katulad na mga kasunduan sa Canada at France. Binubuo din nito ang mga kasunduan ng pagbabase ng tropa at kagamitan ng Japan at Australia sa pamamagitan ng mga kasunduang katulad ng EDCA.
Luzon Economic Corridor
Hindi katulad ng mga bansang nagtataguyod ng kasarinlan sa ekonomya, nagkukumahog ang tutang gubyerno ni Marcos na ipailalim ang Pilipinas sa mga programa hindi lamang sa militar kundi pati sa ekonomya at pulitika. Nakaayon dito ang patakaran ng rehimen na “buksan nang todo ang pinto” sa lokal na ekonomya sa dayuhang pandarambong kapalit ang kakarampot na kapital at bahagi sa merkadong Amerikano.
Noong 2022, itinayo ng US ang upisina ng US Trade and Development Agency (USTDA) sa Metro Manila para palakasin ang kontrol nito sa mga patakaran at proyektong pang-ekonomya sa Asia-Pacific. Padudulasin ng ahensyang ito ang pagkopo ng mga kumpanyang Amerikano sa mga binubuksang sektor tulad sa pampublikong yutilidad, telekomunikasyon, mga proyektong imprastruktura at pang-enerhiya at ekspansyon ng mga minahan at plantasyong komersyal. Pinirmahan din ngayong taon ang 123 Agreement na nagbukas sa pagtatayo ng mga plantang nukleyar sa bansa.
Isa sa kapipirma lamang ni Marcos at ng USTDA ang kasunduan para sa paunang pananaliksik at pag-aaral sa proyektong Subic-Clark-Manila-Batangas (SCMB) Railway. Pagdudugtungin ng SCMB Railway at ng nakaugnay ditong mga tulay at daan ang malalaking “EDCA site” o mga base militar ng US sa Luzon, at padudulasin ang paglilipat-lipat ng mga sandata, tauhan at sasakyang militar sa mga ito. Bahagi ang proyekto ng Luzon Economic Corridor (LEC), isang trilateral na programa sa pagitan ng US, Pilipinas, at Japan na naglalayong pabilisin ang pagtatambak ng imperyalistang kapital, tauhan at gamit sa anyo ng mga proyektong imprastruktura sa renewable energy, daungan, paliparan, tulay at daan.
Pinsala at perwisyo sa mamamayan
Tuwing naglulunsad ng mga war games ang militar ng US sa Pilipinas, ilampung libong mangingisda ang pinagbabawalang maglayag at pinagkakaitan ng kabuhayan. Noong 2024 at 2025, ipinataw ng US at AFP ang “no sail policy” sa mga prubinsya ng Zambales, Ilocos Norte at Palawan para bigyan-daan ang mga live-fire exercises sa mga baybayin gamit ang missile launcher tulad ng HIMARS. Pinagbawalan ring maglayag ang mga mangingisda at makapagtrabaho ang mga magsasaka sa Aurora nang isinagawa ang landing exercises doon ng mga barkong Amerikano. Sa Aparri, Cagayan, pinagbawalang makapalaot ang mga mangingisda noong Mayo 2025 upang bigyang daan ang ehersisyong militar ng US na tinawag na Counter Landing Live Fire. Naperwisyo ang 15,000 rehistradong mangingisda sa lugar.
Perwisyo at panganib din ang hatid ng mga multilateral maritime cooperative activity na isinasagawa ng US, kasama ang Japan, Canada at Australia, sa mga karagatang munisipal na nagsisilbing pangisdaan ng maliliit na mangingisda. Pagkasira sa naturang mga pangisdaan at ekolohiyang pandagat ang dulot ng pagpapaputok ng mga misayl sa karagatan at ginagawang pagpapalubog ng mga barko na bahagi ng mga war games na ito.
Ingay at ligalig naman sa mga sibilyang komunidad ang dala ng magdamagang pagpapalipad ng mga drone at eroplano, gayundin sa mga war games kung saan nagpapaputok ng mga artileri malapit sa mga kabahayan.
Anti-imperyalistang pagtutol at paglaban
Hindi lingid sa kaalaman ng mamamayan na ang pagpapalawak ng presensyang militar ng US at pag-arangkada ng panghihimasok nito sa Pilipinas ay nagsisilbi sa estratehikong layuning paatrasin ang impluwensya ng karibal nitong imperyalistang China at panatilihin ang hegemonya nito sa Asia.
Ibinubunyag at tinututulan din ng apektadong mga residente sa Ilocos, Zambales at Cagayan ang kanilang mga hinaing sa perwisyong dala ng mga Amerikano sa kanilang lugar. Malinaw sa kanilang mga panawagan ang pagtatakwil sa presensya at aktibidad militar ng US at mga kaalyado nito.
Sinasalubong ng mga protesta ang mga pagbisita ng matataas na upisyal ng US, mga pagbubukas ng Balikatan war games, at maging ang pagdayo ni Marcos sa US. Dinala ng mga pambansa-demokratikong grupo ang kanilang pagtutol sa interbensyong militar sa harap ng embahada ng US, Malacañang at himpilan ng AFP. Tinutulan nila ang walang habas na pagyurak ng US sa soberanya ng Pilipinas at pagkaladkad nito sa imperyalistang digma na tiyak na magreresulta sa malawak na pinsala sa mamamayang Pilipino at bansa. Nakiisa rin ang mga Pilipino sa mamamayan sa Japan at South Korea na naglulunsad ng kani-kanilang pambansang kilusang anti-imperyalista.
Sa US mismo, aktibo ang mga migranteng Pilipino sa pagtutol sa mga war games hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa buong Asia-Pacific na nagsasapanganib sa maraming mamamayan sa iba’t ibang bansa at teritoryo. Panawagan din nila sa gubyerno ng US na itigil ang pagbibigay ng pondo at ayudang militar sa pasistang AFP.











